Scammer na tumangay sa P76K donasyon para sa nasagasaang sweeper, tinutugis ng PNP-ACG

Scammer na tumangay sa P76K donasyon para sa nasagasaang sweeper, tinutugis ng PNP-ACG

September 27, 2022 @ 2:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Pinaghahanap na ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang scammer na tumangay ng P76,000 donasyon sa GCASH ng biktima na nasagasaan ng Sports Utility Vehicle sa Bgy. BF, Parañaque City dalawang araw ang nakalilipas.

Ayon kay Jade Bacus, anak ng biktimang si Doreen Bacus, naisumbong na ng kanilang pamilya ang pangyayari sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police.

Sinabi ni Jade na tinangay ng scammer mula sa GCASH ng inang biktima ang halagang P76,000 donasyon para sa operasyon ng ulo at tenga ni Doreen Bacus makaraang magpanggap na taga charity at handang tumulong sa kanila makaraang mapanood sa tv ang pangyayari.

“Lahat ng donasyon sa GCAsh po is na-scam po,”ayon kay Jade Bacus, anak ng biktima.

Bago ang donasyon, natanggal ang tenga at pumutok ang ulo ng senior citizen na nasagasaan ng Sports Utility Vehicle (SUV) sa Parañaque City kamakalawa.

Kinailangang palitan ng artipisyal na tenga ang 63-anyos na babaeng sweeper na si Doreen Bacus, at tahiin ang pumutok niyang ulo dahil sa pagkakasagasa ng driver ng SUV na si Raymond Sapirain sa panulukan ng Elizade at Aguirre Avenue sa Brgy. BF Homes.

“Yung sa ulo niya po is bumuka po kasi yung sa ulo niya kaya tinahi po doon.Tsaka yung sa tenga niya is natanggal po kaya ngayon po ngayon yung schedule niya para sa tenga niya para masarado at lalagyan ng artificial na tenga,” sabi sa panayam ni Jade.

Sa kuha ng CCTV nakita ang pagdating ng SUV na minamaneho ni Sapirain na dire-diretsong nabangga ang biktima at nagulungan pero hindi tinigilan tumigil ni Sapirain at iniwang nakahandusay sa gilid ng daan ang biktima.

Sa ulat ng pulisya, hinarang ng mga security guard ng subdibisyon ang driver at hinuli bago dinala sa pulisya.

Tiniyak naman ng PIO Southern Police District na nanatiling nakakulong sa Parañaque City Custodial Facility si Sapirain, ang driver ng SUV. Dave Baluyot