SCAMMERS DAPAT TOKHANGIN!

SCAMMERS DAPAT TOKHANGIN!

November 26, 2022 @ 11:52 AM 2 months ago


NITONG nagdaang mga araw, nagsilitawan ang mga scammer at pati mga artista ay nabiktima rin, kasama sina movie directors Joel Lamangan at Edgar Mortiz.

Ang mabuti sa mga ito, kahit papaano, nakilala nila ang mga nang-scam sa kanila at nakakuha sa kanila ng pera.

Nauna rito, malaki rin ang nabiktimang mga miyembro ng iba’t ibang Lions clubs at tantiya nila, daan-daang libo ang nakolekta ng scammer na nagpakilalang Lion at kaibigan ng iba pang mga Lion member.

Humingi nang humingi ng tulong o humiram nang humiram ng pera sa mga Lion at dahil maunawain ang mga Lion at kilala sa pagtulong at pagpapahiram nang walang bayaran, nanalasa ang scammer.

Gcash, mga Bro, ang karaniwang ginamit ng mga scammer para magkapera sa mga artista at Lions.

Ngayon, tanungin natin sa Globe kung ano na ang kanilang ginagawa upang maproteksyunan ang kanilang mga suki.

Sabi nila, nasa 70 milyon ang suki nila sa Gcash.

Ang sabi ng Globe, pabibilisin nila ang mga remedyo na panlaban sa mga scammer gaya ng doble na istayl sa pagberipika sa katauhan sa mga humihingi ng salapi sa mga may Gcash account.

Kasama rito ang paglikha ng sistema na magpakita sa bidyo ang gustong magkapera sa Gcash para tiyak na makilala muna ng magbibigay ng pera ang humihingi ng pera.

Mabuti ang sistemang ito pero sana hindi rin makagawa ng pekeng live show ng tao ang mga scammer.

Isa pa, dapat magkaroon din ang Globe ng sistema na makilala at malaman ang kinaroroonan ng scammer sa oras o pagkatapos ang krimen para mabilis at epektibong makakilos ang mga awtoridad, gaya ng mga pulis o miyembro ng National Bureau of Investigation at iba pa.

Ang isang tanong: Pagbabayarin ba ang mga gagamit ng Globe video laban sa mga scammer?

Isang tanong pa: Paano kaya tokhangin ang mga ulol na scammer?