SCANDAL SA PEAC? (PART 2)

SCANDAL SA PEAC? (PART 2)

August 29, 2022 @ 9:13 AM 1 month ago


SA ginagawang budget hearing ngayon sa Kongreso, dapat lang sigurong i-review nang maigi ang role ng Private Education Assistance Committee sa pangangasiwa ng bilyonn-bilyong pondo ng gobyerno na nakatalaga sa edukasyon.

Mantakin ninyo iyan mga kapatid, sa isang komite lang na katulad ng PEAC nakasalalay ang pag-implementa ng maraming pondo ng gobyerno kabilang na ang mga nakalaan sa Teachers Salary Subsidy, Senior High School Voucher Program, In-Service Training at Education Service Contracting para sa Senior High School.

Alinsunod sa Article VI, Sec. 24 ng 1987 Constitution, lahat ng appropriation tulad ng mga nasabing pondo ay magmumula sa House of Representatives bagama’t ang Senado ay puwedeng maghain o concur sa amendments nito.

Sa kaso ng PEAC, hindi lang barya-barya ang wagas na pinagkatiwala sa kanila kung hindi bilyon-bilyong salapi kung saan nakasasalalay ang edukasyon at kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod na henerasyon.

Kaya nararapat lamang na himayin ng Kongreso ang pondong ipinagkakatiwala ng taumbayan dito at kung paano ito ginagastos at kung sino-sino ang beneficiaries nito.

Maging ang Commission on Audit, dapat ay may malinaw at itemized na review din sa mga pondong ipinagkakatiwala sa PEAC para maiwasan po ang anomang katiwalian o kapabayaan sa paggasta ng pondong nakalaan sa edukasyon ng ating mga anak.

Tandaan natin na ang mga pondong iyan ay ‘impressed not only with public interest but one with public interest that would affect generations to come.’

Kaya nararapat na bantayan ng taumbayan ang paggastos ng isang komiteng tulad ng PEAC. Huwag na nating dagdagan ang reports tulad ng ikinuwento ko sa nakaraang isyu na isang rural school sa Cebu na pinabayaan ng PEAC na mag-abono sa mga estudyante nito dahil inupuan ang order ng Department of Education na magdagdag ng slots para sa ESC.

Teka akala ko ba komite lang ang PEAC? Bakit lumalabas ay mas makapangyarihan pa ito sa DepEd na dapat ay principal ng PEAC?

Parang hindi yata tama na mas makapangyarihan pa ang agent sa principal!