SCBA PARA SA BUMBERO, KAILANGAN

SCBA PARA SA BUMBERO, KAILANGAN

September 15, 2022 @ 4:57 PM 2 weeks ago


SALUDO tayo sa lahat ng mga bumbero, mapa-miyembro man ng Bureau of Fire Protection o volunteers dahil sa walang puknat ang kanilang pagmamalasakit sa pagresponde masagip lamang ang bawat buhay at ari-arian ng mga mamamayan.

Iyon nga lang, may ilan pa ring kakulangan para sa kanilang proteksiyon dahil hindi biro ang panganib sa pagresponde sa sunog. Sa maliit na pagkakamali, maaaring mapahamak ang buhay ng bawat bumbero at mga taong inililigtas.

Mabigat na kalaban ang apoy, hindi lang init o pagkapaso ng katawan ang kayang gawin nito sa tao. Napakadelikado ng mga usok na nagmumula sa mga nasusunog na bagay tulad ng kahoy, plastic, papel at iba pang materyal.

Maaari itong maglabas ng nakasusulasok at nakamamatay na kemikal tulad ng nitrogen oxide, sulfur dioxide, benzopyrene, polyaromatic hydrocarbons at iba pang vapor na magdudulot ng asphyxiation o kaya naman ay sakit tulad ng cancer.

Sa ganitong klase ng hazard, kinakailangang bigyan ng dagdag na pananggalang ang ating mga bumbero.

Malaki ang maiaambag ng self-contained breathing apparatus o SCBA sa respiratory protection. Kaakibat nito ang dagdag na training upang mas maging pamilyar ang bawat isa sa paggamit at pagsusuot nito.

Mas mabuti rin kung may maayos at angkop na SCBA storage room ang tanggapan ng mga ito para sa safekeeping at sertipikadong compressor room naman para sa mas ligtas at malinis na pagre-refill.

Kailangang maintindihan ng bawat bumbero ang kahalagahan ng palagiang inspeksiyon sa SCBA.

Palagiang tingnan ang pressure gauge upang masigurong hindi bababa sa minimum ang laman ng hangin sa loob ng tank cylinder.

Siguruhin ding valid ang hydrostatic test certificate ng cylinder. Tingnan ang kondisyon ng facepiece, backplate, cylinder valve, alarm, inhalation and exhalation valve at iba pa.

Makatutulong din ang regular na SCBA training, drills and exercises upang mas maging bihasa, mas mabilis at pulido ang pagsusuot ng SCBA ng ating mga bumbero.