Scholarship program ng Landbank pinuri ng AGRI

Scholarship program ng Landbank pinuri ng AGRI

February 19, 2023 @ 12:11 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – PINURI at pinasalamatan ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee ang paglulunsad ng Land Bank of the Philippines (LBP) ng P128 milyon na scholarship program para sa mga anak o dependents ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) at maging ng mga maliliit na magsasaka at mangingisda.

“Tamang hakbang ang ‘Iskolar ng LandBank’ program para makumbinsi ang mga anak ng mga nasa sektor ng agrikultura na manatili rito. Kailangan ng konkretong aksyon mula sa pamahalaan para tugunan ang paglayo ng mga kabataan sa agrikultura dahil sa tingin nila’y walang pag-asa ng pag-unlad dito,” ani Lee.

Ayon sa AGRI party-list lawmaker, hindi kaila na karamihan sa mga miyembro ng pamilya ng isang magsasaka at mangingisda ang nag-iisip na humanap ng ibang propesyon o hanapbuhay dahil batid nila ang hirap at mababang kita sa agrikultura.

Kamakailan ay inihayag ng LandBank na maglalaan sila ng P128 milyon para tugunan ang educational expenses ng kanilang 360 scholars o pag-aaral ng mga ito mula ngayong taon hanggang 2028 sa ilalim ng nasabing programa.

Bagama’t ikinalugod ito ni Lee, hinimok naman niya ang LandBank na mapalawak at maging mas agresibo pa ito sa pagpapatupad ng nasabing scholarship program at mas marami pang miyembro ng pamilya ng mga magsasaka at mangingisda ang matulungan sa kanilang pag-aaral sa larangan ng agrikultura.

Naniniwala si Lee na dahil sa na-generate na net income ng LandBank na P30.1 bilyon noong nakaraang 2022, 38.2 percent na mas mataas sa P21.7 bilyon na kinita nito noong 2021 ay kayang-kaya nitong maglaan ng mas malaking pondo para sa agri-educational scholarship.

“Baka naman maaari pang dagdagan ang scholars ng programa upang mas marami pa ang makinabang. We must remember that it would ultimately be to our benefit if we can convince the best and the brightest to pursue a career in agriculture. Winner Tayo Lahat kapag nanatili sila at napayabong nila ang sektor,” giit pa ng mambabatas. RNT