SCHOLARSHIP SA ANAK NG TODA MEMBERS ISUSULONG

SCHOLARSHIP SA ANAK NG TODA MEMBERS ISUSULONG

April 4, 2022 @ 11:02 AM 3 months ago


BATID nating kabilang sa low-income households ang mga kababayan nating nasa linya ng tricycle operation kaya isusulong ng TODA partylist, numero 41 sa balota, ang pamamahagi ng scholarship grants sa mga anak nito upang tulungan silang makaahon sa kahirapan.

Hindi naman lingid sa atin ang tunay na halaga ng edukasyon na makatutulong upang makaahon ang pamilyang mahihirap na hindi rin nabibigyang prayoridad ng marami sa ating kababayan dahil mas makatwiran nga namang unahin ang lalamanin ng kanilang sikmura.

Dahil mga LGU lang ang sumasaklaw at may awtoridad na mamahagi ng prangkisa para sa mga lehitimong tricycle operator, hindi nabibigyang-pansin sa loob ng mahabang panahon, partikular na sa mga programang ibinababa ng pamahalaang nasyunal, ang sektor ng tatlong gulong.

Ito ay sa kabila ng malaking bilang ng grupo na tinatayang nasa 4 milyon sa buong bansa at alam nating bawat isa sa kanila ang may pamilyang umaasa sa pagtawid sa araw-araw nilang pamumuhay.

Masalimuot ang kasalukuyang lagay ng tricycle operation sa bansa ‚Äď siyang dahilan sa pagbuo ng TODA partylist na magiging boses ng sektor ng tatlong gulong sa Kongreso at magsusulong ng kanilang pantay na karapatan sa paghahanap-buhay.

Sa naging patong-patong na pasakit sa ating mahal na tricycle drivers at operators kasama na ang naging epekto ng pandemya sa kanilang hanapbuhay, mahal na presyo ng gasolina at marami pang iba, nararapat lang na bigyan sila ng tulong ng pamahalaan.

Mabuti na lamang at maisasali na ang tricycle operators sa ipamamahaging Pantawid Pasada o ayuda sa gasolina para sa sektor ng pampublikong transportasyon. Sana lamang ay madagdagan pa ang bilang ng mababahagian nito dahil tila maliit na porsyento lamang ng kabuuang bilang ng tricycle drivers ang napasali sa listahan ng ating pamahalaan.

Ngayon na ang panahon upang maging tunay na kaagapay ng TODA ang ating pamahalaan dahil hindi natin alam kung hanggang kailan nila makakayanang kumapit sa hanapbuhay na nakalilimutan na at hindi nabibigyan ng naaayong pansin.