School nurse na rider patay sa van

School nurse na rider patay sa van

February 5, 2023 @ 3:50 PM 2 months ago


NAGUILIAN, Isabela- Patay ang isang school nurse na rider matapos makasalpuan ang van, kagabi, Pebrero 4 sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Carl Mike Christopher Maravilla, 33-anyos, may asawa, school nurse ng Gamu Agri-Fishery School, Gamu, Isabela, at residente ng Santa Cruz, Benito Soliven, Isabela.

Hawak naman ng pulisya ang driver ng van na kinilalang si Raymart Vizcarra, 31-anyos, at residente ng Bitabian, San Mariano, Isabela.

Ayon kay PCapt. Federico Dulay Jr., deputy chief of police ng Naguilian Police Station, naganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Surcoc, Naguilian, Isabela.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang X-Max na motorsiklo pauwi sa kanilang tahanan habang minamaneho naman ni Vizcarra ang isang Hyundai Grace Van, na kulay green.

Pareho umanong mabilis ang patakbo ng dalawa dahilan para mag salpukan ang mga ito at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan si Vizcarra.

Isinugod naman ng rumespondeng Rescue 101 ng Naguilian, Isabela sa Faustino L Dy Sr., Memorial Hospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Posible naman maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang suspek. Mary Anne Sapico