SEAG gold medalist Catantan humahanap ng suporta

SEAG gold medalist Catantan humahanap ng suporta

June 28, 2022 @ 4:43 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nangangailangan ng malaking tulong mula sa mga pribadong kumpanya ang Southeast Asian Games fencing gold medalist na si Samantha Catantan sa patuloy nitong pagpupursige sa kanyang pangarap na maglaro sa Olympics.

Si Catantan, ang nangungunang ranggo na fencer sa women’s foil, ay umaasa na makasali sa World Fencing Championships na itinakda mula Hulyo 15 hanggang 23 sa Cairo, Egypt – ang unang  meet sa loob ng dalawang taon matapos makansela dahil sa pandaigdigang pandemya na dala ng COVID -19.

Ang 20-taong-gulang na si Catantan, na nasa bansa pagkatapos niyang magtapos ng kanyang ikalawang taon bilang isang student-athlete scholar sa Penn State University, ay naghahanap ng tiket sa 2024 Paris Olympics.

Hindi tulad noong 2020 Tokyo Olympics kung saan lumahok siya sa OQT, o Olympic Qualifying Tournament, sinabi ni Catantan na gusto niyang makakuha ng tiket sa Paris Olympics sa pamamagitan ng pagkuha ng mga puntos sa pamamagitan ng World Championships, World Cups, Asian Championships, at iba pang regional event.

Sa Asian Championship noong Hunyo 10 hanggang 15, si Catantan ay nagtapos sa ika-13 overall sa women’s foil event.

Ang ranggo na iyon – na may katumbas na puntos – ay magdadagdag sa mga susunod na kaganapan, dahilan kung bakit ang paglahok sa World Championship sa Cairo ay napakahalaga para sa dating University of the East star fencer.

“Kung hindi ako sasali sa torneo, masasayang lang ang mga puntos na nakuha ko sa AFC,” sabi ni Catantan, na umaasang makalikom ng $3,000 para makasali sa World Championship – o humigit-kumulang P156,000.

“Kaya ako humihingi ng tulong. Alam kong may mga pribadong kumpanya na mahilig sa sports… na hindi lang sila soft spot, kundi ang puso na tumulong sa mga Filipino athletes na tulad ko – nangangarap na maging Olympian,” dagdag pa  nito.

Bahagi talaga si Catantan ng walong atletang Pinoy na inaprubahan noong Setyembre ni Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino para sa Olympic Solidarity Scholarship Grant, isang programa na nasa ilalim ng International Olympic Committee (IOC).JC