Search and rescue ops sa nawawalang Cessna sa Bicol, nagpapatuloy

Search and rescue ops sa nawawalang Cessna sa Bicol, nagpapatuloy

February 19, 2023 @ 11:41 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpatuloy na ang search and rescue operation ngayong Linggo, Pebrero 19 para sa nawawalang Cessna plane sa Bicol.

“Tuloy-tuloy naman po ang paghahanap at nahinto lang kagabi dahil madilim na. But early morning today sigurado ‘yung team especially ng Camalig, Albay Disaster Risk Reduction and Management Office ay nandoon na para hanapin doon sa malapit sa search area,” ani Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio sa panayam ng DZBB.

Sa impormasyon, nawalan ng contact sa Cessna 240 airplane ang Bicol Airport air traffic controllers Sabado ng umaga, Pebrero 18.

Ayon sa CAAP, ang eroplano ay may registry number RP-C2080, at umalis sa Bicol International Airport bandang 6:43 ng umaga.

Huling na-contact ng air traffic controllers ang eroplano bandang 6:46 ng umaga sa bisinidad ng Camalig, Albay sa taas na 2,600 feet.

Inaasahan sanang lalapag sa Maynila ang eroplano 7:53 ng umaga, sakay ang apat na katao kabilang ang pilot, crew at dalawang pasahero.

Ayon kay Apolonio, isasagawa ang search and rescue operations sa himpapawid at lupain.

Magdedeploy na rin ng air assets katulad ng helicopter at drone ang Philippine Air Force para rito.

“Ang problema lang natin ay weather, ‘yung weather factor. ‘Pag madilim, maulap, umuulan, hindi talaga makakalipad ang mga chopper,” ani Apolonio.

Samantala, hindi pa ibabahagi ng CAAP ang pagkakakilanlan ng mga sakay ng nawawalang eroplano habang nagpapatuloy ang search and rescue operations. RNT/JGC