Search ops sa 9 na nawawalang mangingisda sa Catanduanes nagpapatuloy

Search ops sa 9 na nawawalang mangingisda sa Catanduanes nagpapatuloy

December 26, 2022 @ 2:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Itinuloy na ng mga awtoridad nitong Lunes, Disyembre 26 ang paghahanap sa siyam na nawawalang mangingisda mula sa bayan ng Viga at Virac, Catanduanes.

Ayon kay Office of Civil Defense Bicol spokesperson Gremil Alexis Naz, sinuspinde pansamantala ang search, rescue at retrieval operations nitong weekend dahil sa malakas na alon dulot ng shear line at amihan.

Aniya, ang mga nawawalang mangingisda ay kinilalang sina Noel Zafe, Dante David, Arnel Araojo, Domingo Borilla, at Jason Mandasoc, lahat ay mula sa Virac.

Inaasahan sana na uuwi na ito sa kanilang mga tirahan nitong Disyembre 24 ngunit hindi pa rin nakakauwi.

Samantala, sa bayan ng Viga, ang mga nawawala naman ay sina Ringo Tupig, Willy Uchi, Jobert Teano, at Juanito Estrella Jr. na hindi na rin nakauwi ng bahay noong Disyembre 23.

Nakipag-ugnayan na umano ang Tactical Operations Group Bicol sa local disaster teams para sa isasagawang aerial survey. RNT/JGC