SEATING CAPACITY SA PUBLIC UTILITY VEHICLE

SEATING CAPACITY SA PUBLIC UTILITY VEHICLE

August 10, 2018 @ 7:35 PM 4 years ago


 

Ang overloading sa public uti­lity vehicle ay violation na pagmulta sa operator ang parusa. Pero mukhang dahil sa kakulangan ng public utility vehicle, tila hindi na nasusunod ito.

Sa jeepney karaniwan na ang may nakasabit na pasahero o ‘di kaya ay may bangko na sa gitna o nagpapasakay sa bubong tulad sa probinsya. Sa bus, standing room only at tawag nga ay parang “sardinas” na ang mga nakasakay. Sa UV Express naman ay may mga dagdag na upuan, lalo na sa likod at may nagbabawal pa ng mga pasahero na mataba sa harap para dalawa ang makasakay sa harap na upuan.

Pero ilan ba dapat ang sa­kay sa PUVs? Sa pagkakaa­lam ko, ito pa rin ang maximium seating capacity na umiiral:  public utility bus – 52; jeepney – 15; AUV – 15; at taxi – 5.

Bakit mahalaga ang sea­ting capacity? Dahil ito ang maximum number ng pasahero na kombinyente sa mananakay at safe para sa kanila. Ito rin ang sinusunod ng insurance companies sa pagbibigay ng personal passenger accident insurance in case na magka-aksidente.

Kaya nga ‘pag may overloading, lumiliit ang benepisyo ng pasahero kung magka-aber­ya. Sa mga modernized jeepney na lalaman ng higit sa benteng pasahero, dapat ding mabago na ang maximum seating capacity para fully insured ang mga pasahero. Ganun din sa bus dahil marami na rin ang bagong units na mas marami ang nakatayo kaysa nakaupo.

Sa kabuuan, marahil ay dapat nang marebisa ang polisiya sa overloading upang maging malinaw ito sa enforcers na rin. Natatandaan ko na sabi ng isang enforcer kung bakit hindi na nila hinuhuli ang mga overloaded na bus ay dahil “naisasara pa naman ang pinto ng bus”. At sa UV Express naman ay may mga “extended seats” na.

Ganito rin ang problema sa tricycles. Mainit sa enforcers ang tricycles na overloaded ng pasahero. Pero iba-iba kasi ang maximum number of passengers ng LGUs. ‘Yung iba 5 o 6 pa nga? At pag isa ka lang na sasakay ay special na ang rate ng pamasahe mo.

Mahirap ipatupad ang no-overloading dahil malabo ang polisiya rito at dahil sa kakulangan ng public transport. Ang ibang driver naman at ope­rator ay sasamantalahin ang sitwasyong ito dahil passenger-based pa rin ang kita sa transport. More passengers more money.

Sa kasalukuyan ay ganito pa rin ang situwasyon sa lansangan. – SIBOL NI LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON