Seaworthiness ng MT Princess Empress, dapat patunayan ng may-ari – Villar

Seaworthiness ng MT Princess Empress, dapat patunayan ng may-ari – Villar

March 19, 2023 @ 11:54 AM 5 days ago


MANILA, Philippines – Pagpapaliwanagin ng senado ang RDC Reield Marine Services Inc., may-ari ng lumubog na MT Princess Empress at nagdulot ng oil spill sa Oriental Mindoro, kung tunay nga bang karapat-dapat pang maglayag ang naturang barko.

‘’Eh di kapag nag-hearing tayo i-defend nila at kukuha rin expert na makakapagsabi na di fit. Mag iimbita kami ng expert who can be a judge,’’ pahayag ni Senador Cynthia Villar.

May mga ulat kasi na ang tanker na lumubog sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28 ay may 50-taon nang ginagamit at binihisan na lamang para magmukhang-bago.

Ayon kay Villar, chairperson ng Senate Environment, Natural Resources and Climate Change Committee, na bubusisiin ng kanyang komite ang naturang insidente sa oras na magpatuloy na ulit ang public hearing kaugnay nito.

Wala pa namang eksaktong petsa na itinakda para rito.

Sinabi ni Villar sa Maritime Industry Authority (Marina) na siyang maritime regulator ng bansa; at ang Philippine Coast Guard (PCG) na dokumentado ang naturang environmental tragedy at lilitaw kung sino ang may kasalanan.

Nauna nang sinabi ng Marina na ang RDC ay walang permit para maglayag, at dapat ay naghain muna ng na-amyendahan nang
certificate of public conveyance (CPC).

Sa kabila nito, bigo ang naturang kompanya na gawin ang naturang hakbang.

Kamakailan lamang ay inilabas din ng PCG online ang anim na pahinang CPC na inilabas umano ng Marina sa RDC.

Ang mandato ng Marina ay “to lead a progressive maritime administration for safer people, safer ships, and cleaner environment”.

Nang tanungin naman kung sino ang dapat sisihin, sinabi ni Villar na ang Marina at PCG ay kapwa-regulatory bodies na may kaugnayan sa nangyaring insidente.

Dahil dito, hiniling na ng senador sa komite na alamin kung ano ang pagkukulang ng may-ari ng tanker.

Aniya, isa sa mga proposal ng kanyang komite ay gawing malinaw kung ano ang liability ng tanker owner “because of the issue of MT Princess Empress supposedly not having an amended CPC, the reported $1-billion insurance of RDC might not be easily collected,” ani Villlar. RNT/JGC