Sebastian, Serafica: Malinis ang aming konsensya

Sebastian, Serafica: Malinis ang aming konsensya

September 9, 2022 @ 10:34 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iginiit nina suspended Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian at ng nagbitiw na Sugar Regulatory Administration (SRA) chief Hermenegildo Serafica na wala silang ginawang masama at malinis ang kanilang konsensya kaugnay sa kontrobersyal na Sugar Order No. 4 (SO 4).

Ang komento ng dalawa ay matapos irekomenda ng Senate blue ribbon committee na kasuhan sila ng administratibo at kriminal.

Sinabi ni Serafica na “nakapanghihinayang” na “hindi binibigyang timbang” ang mga ebidensiyang kanilang iniharap.

Tumangging naman munang magkomento si Sebastian dahil hindi niya pa natatanggap ang kopya ng blue ribbon report.

Dumalo ang dalawa sa pagdinig noong Huwebes sa House of Representatives hinggil sa SO 4 — ang utos na magpapahintulot sa pag-angkat ng 300,000 tonelada ng asukal na sinabi ng Malacañang na ilegal dahil hindi ito inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kasalukuyang kalihim ng Agrikultura.

Bukod kina Sebastian at Serafica, pinakakasuhan din ang mga dating miyembro ng Sugar Board na sina Roland Beltran at Aurelio Gerardo Valderrama Jr. RNT