SEC. AÑO AT GOV. FERNANDO, PIKON NA POLITIKO PAKIKASTIGO

SEC. AÑO AT GOV. FERNANDO, PIKON NA POLITIKO PAKIKASTIGO

November 25, 2021 @ 5:40 PM 3 days ago


DAPAT lang na kastiguhin ni­na Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Bulacan Gov. Daniel Fernando si Norzagaray Ma­yor Fred Germar dahil sa kanyang pagmumura at pagbabanta mismo sa aking kapatid na si Bienvenido ‘Jun’ Calalo Jr. na isa ring halal na kagawad ng Brgy. San Mateo.

Naganap ang insidente noong November 18 mismo sa barangay nang dumating si Germar, kasama ang bodyguards nito at hepe ng pulisya.

Sinalubong siya ng mga opisyal ng San Mateo bilang pagrespeto sa kanya pero nang batiin siya ng aking kapatid ng fist bump, pasuntok sa kamao ang ganti nito habang nagbitiw ng mga salitang: ‘Putang-ina balimbing ka, Pleyto ka pala” kasabay ng pagsabi sa hepe ng pulisya ng: “Hepe, bantayan mo itong si Calalo.”

Sa kabila ng matinding kahihiyan ng aking kapatid na nagdiriwang ng kanyang kaarawan nu’ng araw na ‘yun, bukod sa aming pag­dadalamhati sa pagpanaw ng aming kapatid na babae noong Nov. 8 sa ibang bansa at kasalukuyang nakaburol sa SJDM, Bulacan, tahimik na lang itong tumalikod dahil, aniya, ‘ano ang laban n’ya sa katulad ni Germar?’

Marami ang nakisimpatiya sa aking kapatid at makikita sa kanilang posts sa social media sa hindi magandang inasal ni Germar pero pilit na tinapatan ito ng kanyang trolls sa pagsasabing fake news iyon.

Pero fake news ba iyun kung mismong ang kapatid ko ang nagpa-blotter sa barangay tungkol sa insidente?

Mayor Germar, may video kami sa insidente.

Sige ituloy mo ang pagtanggi at ihaharap ko sa iyo ang kuha na binigay sa amin ng isang dating loyalist mo na tuluyan nang tumalikod sa iyo!

Politikong pikon itong si Germar dahil sa halip na li­gawan n’ya ang mga taong ayaw sa kanya tulad ng kapatid ko na matagal ding na­ging tapat sa kanya, heto’t ginawan niya ng hindi maganda.

Si Engineer Ador Pleyto ang magiging katunggali ni Germar bilang kinatawan ng District 6 ng Bulacan sa halalang 2022.

Payo natin kay Mayor Germar, maging isport lang.