SEC, inuulan ng reklamo

SEC, inuulan ng reklamo

July 2, 2018 @ 5:35 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Kabi-kabilang mga reklamo ang lumalabas ngayon kaugnay sa mabagal umanong serbisyo ng Security Exchange and Commission (SEC).

Ito’y sa kabila ng bagong online service na ‘SECExpress’ na inilunsad noong Nobyembre ng nakaraang taon kapalit ng kanilang lumang online system na ‘SEC iRegister’.

Sa inilabas na advisory ng SEC noon, kanilang sinabi na mas mabilis at mas madali ang registration sa bago nilang online system pero tila kabaligtaran ang nararanasan ng ilan sa mga netizen.

Sa isang Facebook page ng SEC, karamihan sa mga netizen ang naglabas ng mga hinaing dahil sa umano’y ‘delayed’ na serbisyo at ang kawalan umano ng sistema sa ahensiya.

“If there is a negative star, I would’ve given you that. The service is very inefficient! Company losses due to delayed processing from your end are incurred daily!!! Would you be liable for that as well?! If you can’t fulfill the responsibilities using your new system, provide alternatives to not cause further damage??? Or you wouldn’t take accountability for that as well??,” komento ng isa sa mga netizen.

May isa ring nagkuwento ng kanyang karanasan kung saan alas-9 pa lang ng umaga ay nakapila na ito at nasa ikatlo ng linya, pero alas-12 na ng tanghali ay tila wala pa ring usad ang kanilang serbisyo.

Ilan din sa mga ito ang nagkukumpara sa lumang kalakaran ng ahensiya at nagtataka kung bakit tila mas matagal ang pagproseso sa online kesa noon na pwede pa ang walk-in.

Bukod pa dito, nagrereklamo rin ang mga ito na hindi nila magamit ang  i-Message Mo Facility (http://imessagemo.sec.gov.ph) ng ahensiya na siyang tumatanggap ng mga reklamo at mga katanungan ng mga aplikante. (Remate News Team)