SEC. TULFO, “APPLE OF THE EYE” NI PBBM

SEC. TULFO, “APPLE OF THE EYE” NI PBBM

November 25, 2022 @ 1:15 AM 2 weeks ago


PABORITONG opisyal ngayon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kalihim ng Department of Social Welfare and Development na si Erwin Tulfo.

Si Tulfo ay madalas na kasama sa entourage ng Pangulo sa mga biyahe nito sa abroad upang hikayatin ang mga dayuhan na magnegosyo sa bansa.

Itinuturing na “apple of the eye” ngayon ni PBBM si Tulfo bunsod na rin sa pagiging aktibo nitong opisyal sa kasalukuyang administrasyon lalo na kapag may kalamidad o sakuna kung saan halos wala nang tulog ang kalihim sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga sinalanta ng bagyo at niyanig ng lindol.

Kunsabagay, ginagampanan ni Tulfo ang pinakamahalagang papel na pagkalinga sa mahihirap, vulnerable, marginalized at madalas na inaabusong mamamayan na sadyang kaakibat sa ipinangako noon ni PBBM bago pa man ang eleksyon na kanyang tutugunan.

Kumbinsido ang mga mambabatas sa ginagawang pagsisilbi ng DSWD sa taumbayan sa ilalim ng pamumuno ni Tulfo kaya naman todo suporta ang Kongreso sa panukalang pondo ng kagawarang sadyang gagamitin naman upang maiahon sa kahirapan ang higit na nakararaming kababayan.

Kung dati’y local government units ang agarang sumasagot sa mga pangangailangan ng mga apektadong pamilya sa panahon ng kalamidad, ang DSWD na ngayon ang 1st responder sa anomang sakunang tumatama sa bansa batay sa kautusan ni PBBM at ipinatupad naman ni Tulfo matapos na ma-appoint ito bilang pangkalahatang pinuno ng ahensya.

Bagaman aminado ang kalihim na marami pang kailangan gawin sa kagawaran kaugnay sa iba’t ibang programa nito kabilang ang 4Ps, livelihood assistance, AICS, kalahi at iba pa upang mas lalong mapakinabangan ito ng mahihirap na kababayan, kumbinsido ang matataas na opisyal at non-government offices na tamang direksyon ang tinatahak ngayon ng ahensya sa ilalim ng pamunuan ng kalihim na dating mamamahayag.

Mismong si PBBM ang nagpapatunay na katuwang ng kanyang administrasyon ngayon ang kapaki-pakinabang na mga programa at pagbabago na isinasagawa sa DSWD na naayon sa mithiin niyang mabigyan ng ginhawa ang higit na karamihan sa sambayanang umaasa pa rin ng tulong mula sa gobyerno.