Sec. Tulfo nag-sorry sa mga nainsultong guro

Sec. Tulfo nag-sorry sa mga nainsultong guro

August 29, 2022 @ 9:25 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Humingi ng tawad si Social Welfare Secretary Erwin Tulfo sa mga guro na nainsulto sa kanyang pahayag kaugnay sa pamamahagi ng educational cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Humingi ng paumanhin si Tulfo sa grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Teachers’ Dignity Coalition (TDC).

“Hihingi lang ho ako ng pasensya at paumanhin sa mga guro natin na nasaktan doon sa sinabi natin. Sinita tayo ng ACT Teachers party-list na hindi maganda ‘yung nasabi natin na pinagdududahan ang mga teachers natin doon sa pamimigay ng ayuda,” ani Tulfo.

Pero nilinaw naman ni Tulfo ang talagang gusto niyang ipabatid at iniisip niya mismo ang mga guro sa nasabing isyu.

“Hindi ganun eh. Ang sinabi ko ho ay baka mapag-isipan sila o maakusahan na namimili na dahil may mga kaanak,” dagdag na pahayag ng Kalihim.

Nauna na kasing inayawan ni Tulfo ang suhestyon na pamamahagi ng educational cash aid sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa mga eskwelahan dahil baka mayroon daw mga guro na papaboran ang mga estudyante sa pamamahagi nito.

“Baka maulit na naman na may pinaburan si teacher dahil pinsan niya ‘yung estudyante niya. Eh alam niyo naman po ‘yung mga teacher natin. Do’n lang nakatira sa paligid-ligid. Baka na naman ma-accuse na naman ho ang mga teacher. Kawawa naman,” ayon sa naunang pahayag ng kalihim.

Bilang tugon sinabi naman ni ACT Chairperson Vladimer Quetua na iresponsable ang naging pahayag ng DSWD chief.

Samantala, para naman kay TDC National Chairperson Benjo Basas, napaka-unfair na i-generalize ni Tulfo ang mga guro sa pag-kuwestiyon sa kanyang integridad.

“Masakit marinig itong sinabi ni Sec. Tulfo, parang sinasabi niyang mandaraya ang mga guro at nagbibigay ng pabor sa mga kamag-anak. Eh wala naman kaming kontrol sa mga programa na yan kung sakali, we only facilitate and work based on the policies,”ani Basas. RNT