Second collection para sa mga biktima ng tsunami sa Indonesia, ikinasa ng simbahan

Second collection para sa mga biktima ng tsunami sa Indonesia, ikinasa ng simbahan

October 6, 2018 @ 4:15 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Kasabay nang pakikiisa at pakikidalamhati, mangangalap ng pondo ang Archdiocese of Manila para makapag-abot ng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng 7.5-magnitude na lindol na nagdulot ng 20-talampakang tsunami sa Palu, Sulawesi, Indonesia kamakailan.

Inatasan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Pangulo ng Caritas Internationalist, ang lahat ng mga parokya, simbahan at dambana sa buong arkidiyosesis na magsagawa ng second collection para makatulong sa mga nabiktima ng trahedya.

Sa isang Circular Letter na nilagdaan ni Archdiocese of Manila Chancellor Rev. Fr. Reginald R. Malicdem, nabatid na sinimulan ng Archdiocese ang pagdaraos ng second collection sa anticipated mass na isinagawa nitong Sabado ng gabi, Oktubre 6, hanggang nitong Linggo, Oktubre 7.

Ang hakbang base sa Circular ay bahagi ng apela ni Cardinal Tagle sa buong Simbahan ng arkidiyosesis na ibahagi ang habag, awa at pagmamahal ng Diyos sa mga naapektuhan ng trahedya sa Indonesia.

“As a gesture of Christian love, our Archbishop, Cardinal Luis Antonio G. Tagle, is requesting that a second collection be taken up at all Sunday Masses, from evening of Saturday, October 6, and whole day of Sunday, October 7,” bahagi ng Circular Letter.

Kalakip din nito ang tagubilin na maipadala ang lahat ng mga malilikom na pondo sa Treasury and Accounting Department ng Arzobispado de Manila bago ang Oktubre 12.

Batay sa pinakahuling tala, umaabot na sa mahigit 4,124 ang bilang ng mga nasawi sa lindol at tsunami sa Indonesia. /Macs Borja