Secret funds ni VP Sara sa DepEd nais ipalipat sa OVP 2023 budget – Angara

Secret funds ni VP Sara sa DepEd nais ipalipat sa OVP 2023 budget – Angara

November 21, 2022 @ 3:49 PM 6 days ago


MANILA, Philippines – Ipinalutang ni Senador Sonny Angara ang posibilidad na ilipat ang P150 milyong confidential funds ng Department of Education (DepEd) sa badyet ng Office of the Vice President para sa 2023.

Sa pahayag, sinabi ni Angara, chairman ng Senate committee on finance na may ilang mambabatas na gustong ilipat ang confidential funds na hinihingi ng DepEd tungo sa OVP na kapwa pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.

“Parang mas komportable ang ibang mambabatas na mas ilagay na lang doon sa Office of the Vice President dahil ayun talaga mas nakatutok sa buong burukrasya at buong bansa ay pinupuntahan at tinitingnan. Bahagi din siya ng tinatawag na security establishment dahil siya ay Bise Presidente,” ayon kay Angara sa interview.

“Realigned… ’yan ang mga posibilidad diyan eh… o ilipat sa Office of the Vice President dahil pareho naman na tanggapan ay sa ilalim ni Vice President Duterte,” dagdag niya.

Bukod sa P150 milyong confidential funds sa DepEd, may sariling P500 milyon din na secret funds si Duterte sa OVP.

Nitong Lunes, Nobyembre 21 ay inaprubahan ng Senado ang panukalang P667.18-billion badyet ng DepEd sa 2023 kabilang ang attached agencies at P150 million confidential fund.

Ngunit, isinusulong ni Senador Risa Hontiveros ang paglilipat ng confidential funds dahil wala naman umanong katanggap-tanggap na dahilan para aprubahan ang panukala.

Sinabi ni Angara na nasa yugto pa ng pag-amyenda at maaring talakayin ang badyet kabilang ang confidential funds at iba pang ahensiya na kailangan mabawasan o madagdagan.

Naunang isinulong din ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na kanyang ipapanukala na tanggalin ang P500 milyong confidential funds ng OVP sa “tamang panahon.”

“Pag-aaralan namin ‘yan. Pero sa’kin, parang hindi maganda na halal ng tao ‘yan, at binigyan ng Pangulo ng pondo sa ilalim ng kanyang kauna-unahang budget… tapos tatanggalan natin ng pondo,” giit ni Angara.

“Kung ako ang tatanungin ng personal, ‘wag naman nating ilabas ‘yun (confidential fund) sa kanyang opisina sapagkat gusto ng taumbayan at gusto ng Pangulo na magtagumpay ang ating Bise Presidente dahil siya ay isang mahalagang bahagi ng kanyang administrasyon,” dagdag niya. Ernie Reyes