Secretary Roque, out sa bilateral meeting nina Pangulong Duterte at Malaysian PM Mahathir

Secretary Roque, out sa bilateral meeting nina Pangulong Duterte at Malaysian PM Mahathir

July 16, 2018 @ 8:25 AM 5 years ago


 

Naitsapwera si Presidential spokesperson Harry Roque sa bilateral meeting mamayang alas-3 ng hapon nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Malaysian Prime Minister Mahathir Bin Mohamad sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ani Sec. Roque, ayaw ng mga Malaysian authority ng publisidad kaya’t mapapaaga ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas.

Magsasagawa sana ng press briefing si Sec. Roque sa Malaysia kaugnay ng magiging pagpupulong nina Pang. Duterte at PM Mahathir.

“Sorry folks! Malaysian authorities really dont like publicity today They did not allow me to join the bilats. Im leaving earlier today and will no longer conduct any briefing,” ani Sec. Roque.

Sa kabilang dako, bagama’t tikom ang bibig ng mga tao ay naideklara na naman aniya ng Punong Ehekutibo ang pag-uusapan nila ni PM Mahathir gaya aniya ng rebelyon sa Mindanao at ISIS na hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa rehiyon.

“Marami kasing pagkakataon na pupuwedeng magkaroon ng cooperation sa Malaysia. Tingin ko isa po iyan, isa sa malinaw na narinig ko na rito eh iyong joint cooperation pagdating sa patrolya sa karagatan para nga magkaroon ng lunas ito pong problema ng terorismo dito sa South East Asia,” aniya pa rin.

Asahan na aniya na magiging makabuluhan ang pag-uusap ng 2 lider.

Ang pinakaimportante pa rin aniya ay si Presidente Duterte ang isa sa pinakaunang lider ng isang bansa na nakausap ni Mahathir mula noong siya ay bumalik sa kapangyarihan. (Kris Jose)