SEGURIDAD, KALIGTASAN SA LANSANGAN PALAKASIN

SEGURIDAD, KALIGTASAN SA LANSANGAN PALAKASIN

March 11, 2023 @ 9:32 AM 2 weeks ago


ROAD safety paigtingin. Ito ang panawagan ng Partnership for Enhanced Road Safety sa Kongreso at Senado upang mapalakas ang seguridad sa larangan ng transportasyon sa buong bansa.

Ayon kay PERS Executive Director Atty. Alex Abaton, napapanahon na upang isama sa curriculum sa elementarya at high school ang kahalagahan ng road safety at traffic rules upang maiiwasan ang mga disgrasya sa mga lansangan sa ating bansa.

Kinakailangang mapagtuunan ng ating mga mambabatas na maisama sa pag-aaral ng mga estudyante ang mga pumapaloob sa pagpapahalaga sa buhay ng mga gumagamit sa ating mga kalsada na kinabibilangan ng mga pedestrian, nagbibisekleta, nagmomotor, namamasada at nagbibiyahe upang maiiwasan ang mga sakuna o matinding disgrasya sa mga daan, ani Abaton.

Sinabi pa ng opisyal ng PERS, lumalabas sa mga pag-aaral na 90% ng mga disgrasya o sakuna sa mga lansangan ay epekto nang kawalan ng sapat na kaalaman sa traffic rules at kakulangan sa kasanayan sa pagmamaneho.

Sa ating bansa, ang mga sakuna sa mga lansangan ay patuloy na tumataas sa 20% bawat taon na kinakailangang masolusyunan sa pangunguna ng mga mambabatas, local government units at law enforcers upang maipatupad ang mga batas sa lansangan para sa kapakanan at proteksyon ng mga mamamayan, giit pa niya.

Ang road safety ay hindi adbokasiya lamang kundi ito ay isang sistema sa ating pamumuhay na kailangang matiyak ang pagpapahalaga sa kasagraduhan sa mga karapatang pantao para sa ligtas na pagbibiyahe.

Si Abaton ay may dalawang dekadang nanungkulan sa ahensiya ng transportasyon na naitalaga sa iba’t ibang panig ng ating bansa at ipinupunto ang larangan ng transportasyon ay malaking aspeto para sa progreso ng pambansang ekonomiya.

Bunsod nito, ang road safety ay kailangang maipalaganap at maging bahagi sa mga dapat matutunan sa paaralan upang higit na mapayabong ang pag-unlad sa ating ekonomiya at mapaunlad ang kabuhayan ng bawat mamamayan, dagdag ni Abaton.