Seguridad ng media, tinalakay sa DILG, PNP forum

Seguridad ng media, tinalakay sa DILG, PNP forum

October 22, 2022 @ 1:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tinutukan sa isinagawang conference sa pagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at mga alagad ng media nitong Sabado, Oktubre 22 ang usapin sa seguridad ng mga mamamahayag.

Nag-ugat ito sa nangyaring surprise visit ng pulis sa bahay ng ilang mga journalists noong nakaraang linggo.

Ang pagpupulong na ito ay ipinatawag ni DILG Secretary Benhur Abalos na isinagawa sa Camp Crame, Quezon City.

Ani PNP Public Information Office chief Police Col. Red Maranan, layunin nito na mapakinggan ang hinaing ng mga miyembro ng media patungkol sa kanilang seguridad.

Maliban dito, nais ding linawin ng pulisya ang insidente ng pagbisita ng mga pulis mula sa Eastern Police District sa bahay ng ilang journalists sa Marikina City noong nakaraang linggo.

Matatandaan noong Oktubre 15 ay naging matunog ang tweet ng isang GMA reporter nang sabihin niyang may hindi unipormadong pulis ang pumunta sa bahay niya upang alamin kung mayroon itong natatanggap na banta sa kanyang buhay.

Nagdulot ito ng pagkabahala, na agad din namang ipinahinto ng National Capital Region Polcie Office (NCRPO) ang mga ganitong gawain.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing dialogue ay sina PNP officer-in-charge Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia, mga opisyal ng National Press Club, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, at Presidential Task Force on Media Security. RNT/JGC