Seguridad sa pamilya ni Percy Lapid, pinahihigpitan ni Hontiveros

Seguridad sa pamilya ni Percy Lapid, pinahihigpitan ni Hontiveros

October 25, 2022 @ 1:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa mas mahigpit na seguridad at proteksiyon para sa pamilya ni radio broadcaster Percy Lapid-Mabasa na pinaslang kamakailan.

Kasabay nito, nagpahayag naman ng kalungkot si Senador Grace Poe sa pagkamatay ng sinasabing “middleman” sa pagpaslang kay Lapid sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kamakailan.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na humingi ng tulong ang pamilya Lapid sa kanya matapos dumalaw ang mambabatas sa kanila na nababalutan ng takot at kalungkutan sanhi ng pagbabanta at harassment simula nang paslangin ang broadcaster.

“Nangangamba ang buong pamilya ni Percy. Ang mga anak ni Percy ay pinapadalhan ng mga pambabanta sa Facebook o sa personal nilang mga cellphone numbers. May isang nakatanggap pa ng text message na sinabing siya na ang susunod,” giit ni Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na hindi siya kumbinsidong “solved” na ang kaso ng pagpaslang na ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) kamakailan.

Iginiit din ng mambabatas na hindi rin pumapabor ang pamilya ni Lapid sa pahayag ng awtoridad na nalutas na ang kaso.

Alinsunod sa editorial ng Philippine Star, na sinabihan ang kapatid ni Percy, si Roy Mabasa na namatay ang middleman na sinasabing nagplano ng pagpaslang sa bangungot sa loob ng NBP.

Pero, naimbalsamo na ang kanyang bangkay bago ito isailalim sa awtopsiya.

Inihayag din ng naturang artikulo na ipinaliwanag ni forensic pathologist Raquel Fortun na nakontamina ng embalming fluids ang toxicology testing para sa mga substance kabilang ang histopathology upang matukoy kung anong sakit o problema sa kalusugan ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

“The circumstances surrounding the murder created more questions than answers. Hindi porke’t na-identify ang mga suspect ay tapos na ang kaso. The case is far from solved. Paano nga din magiging solb na kung hanggang ngayon ay nakakatanggap ang pamilya ng pananakot?” tanong ni Hontiveros.

“The mastermind behind Percy’s death is still at large, so we must do all we can to provide the greatest possible protection to the entire family. Nanawagan din ako sa publiko na huwag hayaang mapatahimik ang kasong ito. Let’s not allow a brutal killing such as this to just be swept under the rug,” dagdag ng senador.

Kahit nilinaw ng PNP na hindi pa sarado o nalutas ang kaso, hiniling ng senadora sa awtoridad na maging maingat sa pagpapalabas ng anumang pahayag.

“Declaring that a murder is solved, even when it is clearly not, only causes additional undue stress to the loved ones left behind. Malalim ang sugat ng pamilya ni Percy, lalo pa at nawala ang papa nila sa napakamasalimoot na paraan. Bilang byuda, naiintindihan ko din ang sakit ng nararanasan ng kabaro kong si Lisa. Ipinagdarasal ko ang kanilang paghilom at pagkamit ng hustisya,” giit ni Hontiveros.

Kaugnay nito, lubhang ikinalungkot naman ni Poe ang pagkamatay ng sinasabing middleman sa pagpaslang kay Lapid na pawang malaking dagok sa justice system dahil naputol ang pangunahing koneksiyon na lulutas sa pagpaslang.

“It’s a shame that the family and friends of the victim will deal with a drawn-out investigation. This death will further hinder due process. The Bureau of Corrections owes it to the victim’s loved ones to quickly investigate this new murder and find new evidence that can point us to the mastermind of the series of crimes that has been committed,” giit ni Poe.

Sinabi ni Poe na naisasama lamang ang hindi nalulutas na murder na ito sa malagim na estatistiko ng media killings at mas lalong nagpapalakas ng loob sa mga salarin.

“However, I am still hopeful that justice will prevail and that we will have answers soon. We will continue watching and holding authorities accountable for the sake of public order and safety,” giit ni Poe. Ernie Reyes