Seguridad sa PNP Custodial Facility hinigpitan pa

Seguridad sa PNP Custodial Facility hinigpitan pa

October 10, 2022 @ 3:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinigpitan pa ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa loob ng Custodial Center ng Camp Crame kasunod ng hostage-taking at pananaksak na nangyari nitong Linggo, Oktubre 10.

Matatandaan na kahapon ay napatay ang tatlong inmate na nanaksak ng isang pulis at nang-hostage kay dating senador Leila de Lima.

Ayon kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ilan sa mga pagbabago ay ang pagpapatupad ng buddy system sa pamamahagi ng pagkain sa mga inmates.

Nangangahulugan ito na ang magpapakain na pulis ay dapat may kasama pang isang pulis upang maiwasan na ang pangyayari kahapon na nakuhang oportunidad ng tatlong bilanggo na pagtulungan at saksakin ang pulis dahil mag-isa lamang ito.

Dagdag pa rito, sinabi rin ni Azurin na sisiguruhin nila na walang anumang gamit ang papayagan maipasok na maaaring magamit bilang patalim o deadly weapon.

“The distribution of the food will be done through a buddy-buddy system and we will make sure that nothing will be sneaked inside that would be used to hurt anybody,” aniya.

Siniguro naman ni Azurin na ibabalik ang visiting hours na pansamantalang itinigil bilang pag-iingat sa nangyaring insidente.

“As much as possible, the visiting hours should resume and at the same time, we will make sure that the incident that occurred on Sunday will not happen again.” RNT/JGC