Sekretarya ni Teves, 5 pang naaresto sa raid, kinasuhan na – CIDG

Sekretarya ni Teves, 5 pang naaresto sa raid, kinasuhan na – CIDG

March 14, 2023 @ 12:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nakapaghain na ng kaso laban sa anim na indibidwal na naaresto sa sa raid sa mga bahay ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. at kanyang mga kaanak sa lalawigan, ayon sa mga pulis nitong Martes.

Sinabi ng Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) na kabilang sa mga naaresto ang sekretarya ni Teves na kinilalang si Hannah Mae Sumerano Oray.

Isinagawa ang mga raid sa limang magkakaibang address sa Basay at Bawayan City sa Negros Oriental nitong Biyernes.

Nauna nang inihayag ni Interior Secretary Benhur Abalos na nagkasa ang mga pulis ng raid para maghanap ng illegal firearms.

“Following the said operation, on Sunday (March 12, 2023), the CIDG presented the arrested persons for inquest proceedings before the State Prosecutors of the Department of Justice,” anang CIDG.

Ikinasa ang reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591) at sa Law on Explosives (RA 9516) laban kina Jose Pablo Gimarangan at Roland Aguisanda Pablio, “in which Cong. Teves, Jr. is also impleaded as respondent,” anito.

Samantala, kinasuhan naman ng reklamong infringement of RA 10591 sina Hannah Mae Oray, Heracleo Sangasin Oray, Rodolfo Teves Maturan, at Joseph Kyle Catan Maturan.

Nasa kustodiya na ng CIDG ang mga naarestong indibidwal.

“Unfortunately, Congressman Arnolfo Teves Jr., Kurt Mathew Teves, and Axel Teves were not around during the said implementation of the [search warrants] in their houses,” sabi ng CIDG.

“[H]owever, the criminal complaints against them for violation of RA 10591 and RA 9516 will be filed as soon as possible,” dagdag nito.

Kasalukuyang nasa ibang bansa si Rep. Teves. Pinangalanan siyang respondent sa kasong inihain ng CIDG kaugnay ng ilang pagpatay sa Negros Oriental noong 2019. RNT/SA