Sektor ng turismo sa Cebu, pinuri ni Isko

Sektor ng turismo sa Cebu, pinuri ni Isko

December 5, 2021 @ 11:32 AM 10 months ago


Carmen, Cebu – Iginiit ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na mahalaga sa kanya ang turismo dahil naglilikha ito ng mga trabaho na malaking kapakinabangan sa mga manggagawa lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ito ang sinabi ni Domagoso, na siyang standard bearer ng Aksyon Demokratiko, makaraang dalawin nito ang Cebu Safari and Amusement Park kung saan nakipagtalakayan ito sa mga manggagawa na bahagi ng kanilang isinasagawang “listening tour” sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Pinuri naman ni Yorme ang sektor ng turismo ng Cebu para kung saan sinabi nito na ang mga pinuno ng negosyo ng Cebu ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng lokal na turismo dito.

“Kaya ako pumunta rito: para malaman ng Pilipinas na may ganito sa Cebu at bukas siya. Hindi nagsara. Kahit nahirapan yung negosyante, minaintain niya. Inayos niya,” ani Domagoso.

“Ngayon, people will notice. People will know. Domestic tourism, tayo-tayo muna. Pwede na siya mag strive,” dagdag pa ni Domagoso.

Kasama ni Domagoso sina Cebu 3rd District Rep. Pablo John “PJ” Garcia at Cebu Safari chief operating officer at vice president Eduard Loop.

Nabatid na si Domagoso ang kauna-unahang
kandidato sa pagkapangulo na bumisita sa nasabing amusement park upang kaharapin ang mga manggagawa nito.

“Nakakainggit yung Cebu Safari because you produce your own animals already. Nagbibreed na kayo. Hindi na kayo umaasa sa imported. Nandoon na kayo sa next level,” ani Domagoso.

“You now look at your future in this establishment and someday, we can be the center of Asia in producing animals,” dagdag pa ni Yorme.

Ibinida din ni Yorme ang Manila Zoo, na sumasailalim ngayon sa pagsasa-ayos, kung saan maaari na aniya itong ilaban sa Singapore zoo at inaasahang magbubukas ngayong buwan ng Disyembre.

Sa pagbanggit sa pangangailangang muling buhayin ang industriya ng turismo sa bansa, sinabi ni Domagoso na kailangang palawakin ng pambansang pamahalaan ang kanilang programa sa pagbabakuna.

“Kapag bakunado ang lahat, tuloy na ang buhay. Doon papasok yung consumer confidence. Bakunahan natin nang bakunahan ang tao. Palabasin natin. Pagastusin ang tao para may hanapbuhay ang tao. So, naturally, may iikot na pera,” paliwanag ni Domagoso.

Muli namang pinuri ni Domagoso ang tatlong araw na national vaccination drive kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagtulong sa mga local government units na mabakunahan ang kanilang mga residente.

“Katulad ngayon, ito yung pinakamagandang portion na ginagawa ng national government, kung saan ang tumulong ay mga lokal na pamahalaan, tulad namin, na dalhin yung resources namin like doktor, nurses sa kani-kanilang probinsya kung saan kami ma-assign. This will matter to the tourism industry,” ani Domagoso.

Bukod dito, inulit ni Domagoso ang kanyang mga plano na palakasin ang imprastraktura ng turismo sa Visayas sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga tulay na mag-uugnay sa Cebu sa Bohol at Negros.

“Just imagine yourselves as Cebuanos in the Visayan region, connecting to giants, the Negros and Cebu provinces. Yun ang isa sa tinitignan namin: to build more bridges in the island so there will be more commerce, exchange of goods, mas mabilis, mas efficient.” ayon pa kay Domagoso. JAY Reyes