Sekyu kalaboso sa panghahablot ng cellphone

Sekyu kalaboso sa panghahablot ng cellphone

January 21, 2022 @ 5:15 PM 9 months ago


MANILA, Philippines- Bagsak sa kulungan ang isang security guard matapos hablutin ang bag na may lamang cellphone ng 18-anyos na binata sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang naarestong suspek na si Reynaldo Catada, 45, security guard at residente ng Road 3, Lingahan St., Brgy., Malanday na nahaharap sa kasong Robbery Snatching.

Ayon sa imbestigayon ng pulisya, habang nakatayo malapit sa kanilang bahay sa Road 3, Lingahan St., Brgy. Malanday ang biktimang si John Lei Espenida, 18, (PWD), dakong alas-11 ng gabi nang sapilitang agawin ng suspek ang kanyang bag na may lamang cellphone na nasa P7,900 ang halaga.

Tinangkang manlaban ng biktima para mabawi ang kanyang bag subalit, hindi niya kinaya ang lakas ng suspek at nauntog sa pader na naging dahilan upang magkaroon siya ng minor injury sa braso.

Matapos nito, mabilis na tumakas ang suspek dala ang bag habang nireport naman ang insidente kay PSMS Roberto Santillan at Pat Dina ng Sub-Station 6 na nagsasagawa ng Oplan Gaulagad sa lugar, kasama ang Barangay Tanod ng Malanday.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis sa pangunguna ni PSMS Santillan ay agad namang naaresto ang suspek at nabawi ang bag at cellphone ng biktima. R.A Marquez