Sekyu nag-ala-Van Gogh; $1m painting drinowingan ng mata

Sekyu nag-ala-Van Gogh; $1m painting drinowingan ng mata

February 13, 2022 @ 9:14 AM 3 months ago


RUSSIA – Inilabas ng isang security guard sa Russia ang kanyang natatagong pagmamahal sa sining, pero sa maling paraan.

Isang mamahaling painting kasi na naka-display sa Yeltsin Centre sa Yekaterinburg ang ginuhitan niya ng mata.

Ang obrang “Three Figures” ni Anna Leporskaya, na estudyante ng artist na si Kazimir Malevich, ay itsura ng mga pigura ng tao na walang mukha.

Pero nito lang Disyembre nang mapansin ng mga dumadalaw sa center na may mga drawing ng mata ang ilan sa mga figure nito.

Ang nasabing painting ay may halagang 75 rubles o katumbas ng $1 milyong US dollars (P50 milyon) na nilikha noon pang 1930, ayon sa insurance nito.

Sa pag-iimbestiga, napag-alaman na ang sekyu ng art gallery ang nasa likod ng pagdrawing ng mata sa abstract painting gamit ang ballpen, ayon kay acting director ng Yeltsin Centre na si Alexander Drozdov sa isang meeting.

Agad namang sinabihan ang insurance company at ang pinuno ng Tretyakov Gallery sa Moscow na nag-loan ng obra sa pasilidad.

Ibinalik na sa Moscow ang obra at nai-restore naman na ito.

Base sa ulat na, unang araw lang ng guard sa trabaho nang mangyari ang insidente. Ang pribadong kompanya ng gwardya ang kinuha para sa security detail ng galeriya.

Ini-report nila ang insidente noong Disyembre pero ayaw umanong imbestigahan ito ng pulis dahil “maliit” lang anila ang $3,300 na danyos nito.

Pero nang maghain ng reklamo ang culture ministry ng Russia, naglunsad ng “vandalism” case ang pulisya.

Mahaharap sa multa o kaya 3 buwang pagkakakulong ang security guard na hindi na pinangalanan. RNT