Sekyu patay sa mga kawatan, P3M tinangay!

Sekyu patay sa mga kawatan, P3M tinangay!

October 13, 2022 @ 3:20 PM 2 months ago


BUKIDNON- Patay ang isang security guard matapos tambangan at pagbabarilin apat ng kalalakihan saka tinangay ang bitbit nilang pera na P3 milyon, Miyerkules, sa bayan ng Maramag.

Kinilala ang biktimang si Pedro Talaid Gamino Jr, 38-anyos, security guard sa Cebuana Lhuillier Branch sa Purok 3, North Poblacion at taga Salawagan,Quezon.

Habang ligtas naman ang kasama nitong si Medardo Langot Fantonial Jr , 31-anyos, Liaison officer Cebuana Lhuillier at residente ng P-3 Capitan Juan, Lantapan, Bukidnon.

Batay sa report ng Maramag Police Station, dakong alas-10:00 ng umaga naganap ang krimen sa Purok 1, Brgy Kuya, Maramag, Bukidnon.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Fantonial ang Suzuki Raider MC 150 color black/red angkas si Gamino Jr, patungong Pangantucan Bukidnon para i-deposito ang bitbit nilang P3,000,000 sa Kalilangan Branch.

Pagsapit sa nasabing lugar bigla na lamang silang hinarang ng apat na suspek na lulan ng Yamaha MIO na kulay itim at kulay pula na XRM.

Agad na pinagbabaril ng mga suspek si Gamino Jr. habang inabot naman ni Fantonial Jr sa mga suspek ang backpack na naglalaman ng nasabing halaga ng pera.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Pangantucan habang dinala naman sa ospital si Gamino subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico