Sekyu patay sa tatsulok na pag-ibig

Sekyu patay sa tatsulok na pag-ibig

November 7, 2022 @ 12:10 PM 3 weeks ago


CALATRAVA, Bacolod- Hindi inakala ng isang security guard na ang pagdalo nito ng birthday party ng kanyang lola ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan matapos pagbabarilin ng dating kinakasama ng kanyang nobya, Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Remart Rebucas, 26-anyos, habang tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Junjun Aligioho, 27-anyos at kapwa residente ng Spur 2, Barangay Minapasok, ng nasabing bayan.

Batay sa report ng Calatrava Municipal Police Station, dakong alas-7 ng gabi naganap ang krimen sa bahay ng lola ng biktima sa nasabing lugar.

Ayon kay Major Lumyaen Lidawan, hepe ng Calatrava Municipal Police Station, umuwi pa ang biktima galing Maynila para lamang dumalo sa kaarawan ng kanyang lola subalit hindi niya inaasahan inaabangan ng suspek ang kanyang pagdating.

Sa imbestigasyon ng pulisya, habang nasa gitna ng kasiyahan bigla na lamang bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kamatayan nito.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Nabatid, nilayasan ng kanyang kinakasama ang suspek at nadiskubre nitong nagtungo sa Maynila para sumama sa biktima.

Paniniwala ng mga awtoridad selos ang motibo sa krimen. Mary Anne Sapico