Sekyu tinadtad ng saksak ng kakulitang kawalwalan

Sekyu tinadtad ng saksak ng kakulitang kawalwalan

January 15, 2023 @ 3:40 PM 4 weeks ago


Bulacan – Kalunos-lunos ang sinapit ng 42 anyos na lalaking security guard matapos tadtarin ng saksak ng kainumang nakakulitan sa bayan ng Marilao.

Kinilala ang suspek na si Arnel Decendario Villagracia, 48, security guard, residente ng Brgy. Pantoc habang ang biktima ay si Dominic Pelotia Garnica ng Brgy. Lambakin, Marilao.

Sa report ng Marilao police, nangyari ang insidente bandang 2:50 ng hapon nitong Enero 14, sa Brgy. Lambakin.

Ayon sa report, sa kasagsagan ng inuman ay biglang nagkaroon ng mainitang pagtatalo at nagkapikunan ang dalawa kaya umalis ang suspek sa lugar.

Lingid sa kaalaman ng biktima ay inabangan siya ng suspek at nang magtagpo ay bumunot ito ng patalim hanggang pagsasaksakin siya sa ibat-ibang parte ng katawan.

Dahil dito, agad isinugod ang duguang biktima sa Saint Mary’s Hospital para sa paunang lunas.

Sa kabila nito,bugbog naman ang suspek sa kuyog ng mga residente sa lugar hanggang sa mahuli ito ng mga tanod at narekober ang patalim na ginamit sa krimen.

Nahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Murder habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III