Selebrasyon sa Araw ng Pasay, kasado na!

Selebrasyon sa Araw ng Pasay, kasado na!

November 25, 2022 @ 1:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang pangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang selebrasyon ng ika-159 pagdiriwang ng Araw ng Pasay sa Disyembre 2.

Isa sa tampok na programa na ikinakasa para sa selebrasyon ng Arawa ng Pasay ay ang Christmas tree lighting at serenade na gagampanan ng Pasay City Symphony Band sa Disyembre 1.

Ayon kay Calixto-Rubiano sisimulan ang selebrasyon ng isang thanksgiving mass ng alas 4:00 ng hapon sa Disyembre 1 bago gaganapin ang pagpapailaw ng Christmas tree na itatayo sa gitna ng City Hall grounds.

Kabilang din sa programa ang “Libreng Sakay sa Pasay” na iaalok ng mga piniling E-trike at E-jeeps pati na rin ang paglalagay ng one-stop-shop para sa mga aplikante ng trabaho na pangangasiwaan ng Public Employment and Services Office (PESO) sa pakikipagkoordinasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa Disyembre 2 ay isasagawa rin ang parada ng ilaw na gaganapin mula EDSA Tramo patungo ng City Hall sa F.B. Harrison na masusundan din ng street dancing.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang mga aktibidad na nakalinya ngayong buwan ng Nobyembre ay kinabibilangan ng second chance project hand me downs na gaganapin mula Nobyembre 25 hanggang 30 ng alas 10:00 ng umaga na magtatagal ng hanggang alas 9:00 ng gabi na ang benepisyaryo ay ang mga programa ng local government unit (LGU).

Bukas, Nobyembre 26 ay isasagawa ang “Padyak Pasay: Moving Forward As Eco City” sa sisimulan ng alas 5:00 ng umaga sa SM By the Bay na isang bike day run ng lungsod sa partnership ng SM Cares.

Magkakaroon din ng isang flash photo contest ang lokal na pamahalaan na may mg atema ng Kalikasan, Kalusugan at Kaunlaran.

Sa Lunes naman, Nobyembre 28 ay isasagawa ang awarding ng Pasay urban gardening competition na may temang: “Mahal kong Kalikasan Maginhawang Kabihasnan” habang ang “Pasayahin 2022: Enjoy Mo Ito Market” na gaganapin naman sa Pasay City Hall lobby.

Kabilang din sa programa ng pagdiriwang ng Pasay Day ang tatlong araw na mall-wide sale na gaganapin mula Disyembre 2 hanggang 4 kung saan mabibigyan ang mga residente ng lungsod ng malaking diskwento sa lahat ng kalahok na establisimiyento.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na may mga nakalinya rin ang lokal na pamahalaan na aktibidad para sa mga empleyado gayundin ang pagkakaroon ng Paskuhan para naman sa mga residente na gaganapin sa Disyembre 15. James I. Catapusan