Self-employed members ng SSS makapagrerehistro na sa ECC

Self-employed members ng SSS makapagrerehistro na sa ECC

October 14, 2020 @ 5:02 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Ipinahayag ni Employees Compensation Commission Executive Director Stella Zipagan-Banawis na pwede nang makapagrehistro sa ECC ang lahat ng self-employed na miyembro ng Social Security System.

Ginawa ni Banawis ang pahayag makaraang mapirmahan, kasama ni SSS President and CEO Aurora Ignacio, ang Joint Memorandum Circular na nababatay sa ECC Board Resolution No. 19-03-05 na nagtatadhana ng pagpapalawak ng nasasakupan ng ECC.

Nagpahayag naman ng kagalakan si Labor Secretary at ECC Chairperson Silvestre H. Bello III ginagawa ng ECC ang lahat para maganap at maisakatuparan ang programang nabanggit na ginawa nang sapilitan o compulsory.

Ayon kay Bello, makikinabang sa mga benepisyo at serbisyo ng ECC ang tinatayang 3 milyong self-employed na hindi lalagpas sa edad 60 sa mga pribado at pampublikong sektor .

Nagsimula ang programa nitong nakaraang buwan sa pamamagitan ng pag-iisyu ng SSS ng Payment Reference Number (PRN) sa mga self-employed at may kontribusyon na sa ECC.

Para naman sa mga nagsipagbayad nang maaga, magkakaroon ang mga ito ng hiwalay na PRN na mai-email sa kanila para sabihang magbabayad sila ng karampatang kontribusyon sa buwan ng Setyembre 2020 hanggang sa buwang maisaayos ang lahat.

Ang deadline sa pagbabayad sa SSS ay mailalapat din sa deadline sa kontribusyon sa ECC.

Sa ngayon, P10 ang buwanang kontribusyon sa ECC para sa mga may kita o sahod na mas mababa sa P15,000 at P30 naman para sa higit P15,000.

Maituturing na self-employed ang mga may sariling negosyo, propesyunal,  partner sa mga partnership, single proprietor, at director o trustee of the board ng mga korporasyon na rehistrado sa pamahalaan,  actor, director, scriptwriter at news correspondent na hindi maituturing na empleyado, professional athlete, coach, trainer, jockey, magsasaka at mangingisda.

Kasama rin ang mga katulad ng mga vendor sa mga palengke at naglalako sa kung saan-saan, nagtatrabaho sa transportasyon, kontraktuwal at job order ng pamahalaan na hindi sakop ng batas ng Government Service Insurance System at iba pang itinuturing mismo ng SSS na self-employed.

May 37.8 milyong obrero na nakarehistro sa SSS at 7% rito ang mga self-employed.

Kabilang sa mga serbisyo ng ECC ang benepisyo sa nawalan ng kita, medikal, allowance sa mga propesyunal at rehabilitasyon at serbisyo sa mga konektado sa trabaho na sakit, sugat, disability at kamatayan. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...