Sen. Bato handang magpabitay kapag napatunayang sangkot sa EJK

Sen. Bato handang magpabitay kapag napatunayang sangkot sa EJK

August 2, 2022 @ 6:11 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Welcome para kay Senator Ronald “Bato” del Rosa ang desisyon ng administrasyong Marcos na hindi makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa umano’y drug-related killings sa war on drugs ng nagdaang administrayong Duterte.

Sa panayam ng mga reporters, inamin ni Dela Rosa na masaya siya sa naging desisyon ng pamahalaan kung saan inilarawan niya ang kanyang sarili bilang “number 2 accused” sa drug war probe.

Matatandaang si Dela Rosa ang pinuno noon ng Philippine National Police nang unang ilunsad ng Duterte administration ang kampanya nito kontra iligal na droga.

Samantala, ayon pa sa senador, walang dahilan para sumali sa imbestigasyon ng ICC kung saan binigyang-diin niya na maging ang mga makapangyarihang bansa ay nagdesisyong hindi magpasaklaw sa Rome Statute.

“Naisip ko kasi if US, Russia, China, Israel and other countries refuse to join ICC, then I don’t see any compelling reason why we are going join and allow them to meddle with our internal affairs, which is tantamount to surrendering to them the sovereignty of our nation,” aniya.

Bago inilabas ang desisyon huwag sumali sa ICC, matatandaang nakipagpulong si Pangulong Bongbong Marcos sa legal team ng kanyang administrasyon upang talakayin ang magiging posisyon ng gobyerno sa planong pagpapatuloy ng ICC sa imbestigasyon nito sa war on drugs.

(Larawan kuha ni Cesar Morales)

Samantala, sa isang press conference sa Senado, matapang na inihayag ni Dela Rosa na handa siyang magpabitay kapag napatunayang may kinalaman siya sa umano’y nangyaring extra judicial killings (EJK) sa kasagsagan ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit pa niya, hindi kailanman naging polisiya ni dating Pangulong Duterte ang walang habas na pagpatay sa mga sangkot sa iligal na droga. RNT/ JCM