Sen. JV kay PBBM: Anti-wangwang buhayin!

Sen. JV kay PBBM: Anti-wangwang buhayin!

July 6, 2022 @ 2:22 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahaharap sa parusa ang mga motoristang ilegal na gumagamit ng mga emergency device tulad ng blinkers at sirena o “wang-wang”, ayon sa babala ng Philippine National Police (PNP).

“Bibigyan sila ng kaukulang tiket. Kukumpiskahin ang lisensya at papatawan sila ng parusa at may kaukulang penalty fee,” ani Police Major General Val de Leon, PNP Director for Operations.

“Maliban dito, makukumpiska rin ‘yung mga wang-wang at mga sirena nila na hindi naman sila authorized.”

Nauna nang hinimok ni Senador JV Ejercito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na buhayin ang kampanya laban sa ilegal na paggamit ng “wang-wang” at mga katulad na kagamitan matapos niyang maobserbahan ang pagtaas ng mga pribadong sasakyan na gumagamit muli nito.

“Napakarami, napansin ko pati local official at ibang mga, ewan ko lang kung cabinet secretaries ‘yung iba. Hindi ko alam pero marami ring private citizen,” ani Ejercito.

“Dapat ibalik na lang natin sa dati kung sino lang ang entitled…saka sa totoo lang, nakakagulo lalo na ng traffic daw ‘yan,” giit pa niya.

“It’s a matter of implementation at saka syempre ‘pag ‘yan po ay ‘pag Presidente mismo, halimbawa si PBBM, kaya nga sinabi ko sana ibalik ni PBBM ‘yun dahil nagawa noong panahon ni PNoy ‘yan ‘no,” dagdag pa ni Sen JV.

Sa ilalim ng Presidential Decree No. 96 na inilabas ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ipinagbabawal ang mga motorista na gumamit ng mga emergency device kabilang ang mga blinker at dome lights.

Tanging ang mga pinapayagang gumamit nito ay mga ambulansya, fire truck, at mga tauhan ng PNP, militar, National Bureau of Investigation, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa panahon ng emergency.

Pinapayagan din na gamitin ang limang nangungunang opisyal ng bansa kabilang ang pangulo, bise-presidente, pangulo ng senado, tagapagsalita ng Kamara, at punong mahistrado.

Ang iba pang mga regulasyon na sumasaklaw sa paggamit ng mga device ay ang Republic Act (RA) 4316, MMDA Regulation No. 03-005, at ang LTO-LTFRB Joint Administrative Order na inilabas noong 2014. RNT