SENADO BINIRA SA INAPURANG VAPE BILL

SENADO BINIRA SA INAPURANG VAPE BILL

December 16, 2021 @ 12:53 AM 10 months ago


BINATIKOS ng iba’t ibang medical association at health group ang Senado matapos nitong aprubahan sa kalawang pagbasa ang vape bill na binansagang “anti-health, anti-youth, at anti-children”.

Sinabi ni Philippine Medical Association President Dr. Benito Atienza na hindi naman certified as urgent ng Malacañang pero tila may pagmamadali ang Senado na maipasa ang Senate Bill 2239 o ang panukalang Vaporized Nicotine Products Regulation Act na pangunahing akda nina Senate President Tito Sotto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Pro-Tempore Ralph Recto.

Ngayong Huwebes ay maaari nang isalang ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala sa kabila ng mga kuwestyon sa mga probisyon nito gaya ng edad ng mga maaaring bumili ng vape na ibinaba sa 18-anyos o Senior High School, sa halip na 21-taong gulang.

Sa ilalim ng Sin Tax Law o Republic Act 11467 ang itinakdang minimum age para makabili ay 21-taong gulang.

Hindi rin isinama sa panukala ang mas malawak na limitasyon sa mga papayagang flavor, isa sa ginagamit ng mga manufacturer upang mahikayat ang mga kabataan na gumamit ng vape.

Kinukuwestyon din ang probisyon na naglilipat sa Department of Trade and Industry ng kapangyarihan na iregulate ang mga vape product sa halip na isailalim ito sa Food and Drug Administration.

Isinusulong na ang FDA ang mag-regulate ng vape dahil mayroon itong kakayanan na pag-aralan kung ito ay ligtas at kung ano ang epekto nito sa kalusugan.

Ipinanukala ni Sen. Pia Cayetano na panatilihin ang 21-anyos na minimum access, panatilihin ang regulasyon sa FDA at limitahan sa plain tobacco at plain menthol ang papayagang flavor subalit hindi ito tinanggap ng karamihan ng kanyang mga kasamang senador.

Kagaya ni Sen. Cayetano tutol din ang Philippine Pediatric Society, Philippine College of Physicians at public interest law group na ImagineLaw sa pag-apruba ng panukala na magdaragdag lamang umano sa problemang pangkalusugan na kinakaharap ng bansa. RNT