Senado ‘di magiging rubber stamp ng PBBM admin-Zubiri

Senado ‘di magiging rubber stamp ng PBBM admin-Zubiri

July 6, 2022 @ 6:32 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni Senate President Pro Tempore Juan Miguel Zubiri ngayong Miyerkules na hindi magiging rubber stamp ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Senado.

“Hindi magiging rubber stamp ang Senado. Sa aking relo, noong 18th Congress ay Majority Leader din ako, never naging rubber stamp ang Senado. Marami po tayong mga panukala na sa tingin namin hindi sangayon para sa ating bansa na itinulak po ng administrasyon, hindi natin tinuloy,” ani Zubiri sa isang chance interview.

Sinabi ni Zubiri na kailangan pa nilang hintayin ang nalalapit na State of the Nation Address ni Marcos upang malaman ang kanyang mga priority measures.

Ngunit sinabi ng naghahangad na Senate President na titiyakin ng mataas na kapulungan na uunahin ang mga hakbang na itinutulak ng administrasyon kung ito ay magiging kapaki-pakinabang para sa bansa.

“Ayaw naming maging obstructionist. Susuportahan namin ang mga hakbang ng administrasyon na sa tingin namin, kung sa tingin namin ay magiging mabuti para sa bansa, iyon ang magiging priority namin,” ani Zubiri.

Kabilang sa mga plano ni Marcos ay muling buhayin ang ekonomiya sa gitna ng pandemya, kabilang ang paglikha ng bagong stimulus package.

Samantala, ilang senador na ang naghain ng kanilang priority bills.

Sa kabilang banda, sinabi ni Zubiri na hindi prayoridad ng upper chamber ang mga panukalang amendments sa 1987 Constitution o charter change.

Sinabi ni Zubiri na tututukan muna ng Senado ang pagbangon ng bansa mula sa patuloy na krisis sa kalusugan.

“Definitely the first year of the 19th Congress, I think ang usapin natin should revolve around kung paano bubuhayin ulit ang ekonomiya, paano natin iangat muli ang kabuhayan ng ating mga kababayan….Ayun muna ang pag-usapan natin,” dagdag pa ng senador.

Nauna nang pinayuhan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kahalili na ituloy ang charter change. RNT