Senado dismayado kay Mocha Uson hinggil sa malaswang video sa Pederalismo

Senado dismayado kay Mocha Uson hinggil sa malaswang video sa Pederalismo

August 6, 2018 @ 11:50 AM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Dismayado ang liderato ng Senado kay Undersecretary Mocha Uson sa pagpapalabas ng malaswang video hinggil sa pagpapaliwanag ng Pederalismo dahil sa halip na makatulong, nakasama ito sa layunin ng panukala.

Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi nina Senate President Vicente Sotto III at dating Senate President Koko Pimentel III na dapat tanggalin si Uson sa team ng Palasyo na magpapaliwanag sa pederalismo.

Hinikayat din ni Sotto ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na aksyunan ang malaswang video ni Uson at isa pa na tila binababoy ang Pederalismo.

“Maaari naman na hindi idaan sa biro o commercial ang pagpapaliwanag ng Pederalismo sa taumbayan,” ayon kay Sotto.

Sinabi ni Sotto na kung biro man ang video para kay Uson, dapat hindi na isinapubliko dahil hindi nakatulong ito sa information campaign ng pamahalaan hinggil sa isinusulong na pederalismo.

Aniya, ilang oras niyang binasa ang report ng Consultative Commission (ConCom) hinggil sa pagpapalit ng sistema ng pamamahala sa Saligang Batas at ang briefing ng PDP-Laban hinggil dito, kaya dapat seryosohin at hindi idaaan sa biro na nakikita ng publiko.

Umani ng pagbatikos si Uson mula sa netizen sa pagpapalabas ng kontrobersiyal na video kasama ang isa pa, dahil idinaan sa malaswang kanta at sayaw ang pagpapaliwanag sa sistema ng Pederalismo.

Si Uson ang itinalaga ng Palasyo bilang mangunguna sa pagpapaliwanag ng sistema ng Pederalismo na pinondohan ng P90 milyon.

Samantala, dismayado naman si Pimentel, president ng PDP-Laban sa malaswang video ni Uson  na tila binabastos ang Pederalismo na hinaluan ng malaswang sayaw at kanta.

Aminado si Koko na matapos makita ang naturang video na tila nagkamali ito kay Uson sa pag-aakala na makakatulong sa pagpaganap ng campaign drive ukol sa Pederalismo.

“Hindi natin suka’t akalain na bababuyin ni Asec Uson ang Pederalismo. Dapat ilayo na ng Malacanang si Uson sa pagpapalaganap ng impormayson hinggil sa pederalismo,” ani Pimentel.

Pinayuhan din ni Pimentel si Uson na mag-leave of absence at pag-aralan nang mabuti ang Pederalismo dahil mali-mali ang substance nito sa pagkakaintindi niya sa Pederalismo.

“Kahit walang sayaw at kanta, maaari naman ipinaliwanag nang maayos ang Pederalismo na mauunawaan ng taumbayan,” giit ni Pimentel. Ernie Reyes