Senado dismayado sa ‘zero acquittal’ ng kasong kriminal vs OFWs

Senado dismayado sa ‘zero acquittal’ ng kasong kriminal vs OFWs

January 18, 2023 @ 1:52 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng ilang senador ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung bakit mayroong “zero acquittal” sa kasong kinasasangkutan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa unang kalahating bahagi ng 2023 at kung bakit kakarampot lamang ang na-clear sa nakaraang taon.

Lumitaw ito sa isinagawang pagdinig ng Senado hinggil sa panukalang pagbibigay ng mas malawak na tulong legal sa migrant workers.

Dahil dito, ipinakita ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang datos mula sa report ng DFA sa Kongreso na nagsasabing mula Enero hanggang Hunyo 2022, walang acquittal sa lahat ng kasong kinasasangkutan ng Filipino sa abroad.

Base sa report, umabot sa 1, 278 OFWs ang nahatulan nang may finality sa ibang bansa.

“Ibig sabihin walang ginagawa ang gobyerno natin pagdating sa legal cases,” ayon kay Senate Committee on Migrant Workers Chairman Raffy Tulfo.

Pilit ipinapaliwanag ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega ang mga numero saka iginiit na hindi siya ang personal na humahawak ng kaso sa panahong nabanggit.

“Kung hindi man na-acquit, hindi man nabigyan ng maximum penalty. Ibig sabihin din zero acquittal does not mean na lahat ‘yun nahatulan na guilty baka pending pa cases nun,” ayon kay De Vega.

Ngunit, hindi tinanggap ng mga senador ang paliwanag ni De Vega kaya itinanong ni Tulfo kung ilang Filipino ang acquitted sa pamamagitan ng tulong na isinagawa ng DFA sa nakalipas na ilang taon.

Walang nabanggit na numero si De Vega ngunit, nangako itong ibibigay ang datos sa susunod na pagdinig.

Sinabi ng opisyal na maaring may ilang acquittal sa nakaraang taon pero wala itong eksaktong bilang bukod sa mayroon din umanong out-of-court settlement sa kaso.

“Ang nangyayari diyan blood money para sa mga OFWs?” tanong ni Tulfo.

“We want to find out ilan ang na-acquit [how many are being acquitted], if there’s none then what the hell are we doing here we don’t even evaluate the things that we do so the next question will be why zero acquittal? Was there evidence gathering? Is there weak evidence gathering? Do we have problems in mechanism? Or is there a problem in legal representation to beneficiaries or we came in late to the overseas Filipinos case, because that’s the only way we can improve our services to our people,” ayon kay Villanueva.

Kinuwestiyon din ni Tulfo ang pagbibigay ng legal assistance sa ating kababayan sa abroad: “Or mahina ang mga abogado na nakuha ng ating DFA para idepensa ang mga Filipino nationals na may problema sa abroad baka pipichugin yung mga abogadong nakuha niyo.”

Tugon ni De Vega: “Ang position ng DFA is ang bottomline they get legal representation kesa wala.”

Dito, nagpanting ang tenga ng ilang senador.

“Don’t say that na ‘kesa wala’ kailangan po magkaroon ng legal assistance ang mga Pilipino kasi kasama iyan sa mandato ninyo na dapat may Pilipino in distress kailangan gastusan, dapat kumuha ng abogado na magaling na alam ang kaso, kaya ipanalo ang kaso,” giit ni Tulfo.

Pinasusumite din ni Villanueva kay De Vega ang post service assessment na isinagawa ng DFA sa lahat ng abogado na kumatawan sa Filipino na may kaso sa abroad. Ernie Reyes