Senado maghihigpit vs COVID; IATF pinabubuwag

Senado maghihigpit vs COVID; IATF pinabubuwag

August 5, 2022 @ 2:21 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang maghigpit laban sa pagkakalat ng COVID-19 ang Senado partikular ang pagpasok ng bisita at publiko saka nanawagan ang isang mambabatas sa pagbubuwag ng inter-agency task force na hindi naging epektibo upang tugunan ang krisis sa kalusugan sa bansa.

Kinumpirma ni Senate Secretary Renato Bantug, Jr. nitong Huwebes na kailangan magpakita ng negative results ang lahat ng bisita ng kanilang anti-gen test na kinuha sa nakalipas na 24 oras bago sila papasukin sa Senado.

Nakatakdang maglabas din ang Kapulungan ng listahan ng accredited laboratories.

“If it is ‘bring your own result,’ then we don’t really target a real picture of how legitimate the certificate is,” ayon kay Bantug sa phone interview.

“We don’t suspect naman the guests and visitors to do that (falsify document) but just to keep that from happening,” dagdag ng opisyal.

Sa ngayon, kailangan magpakita lamang ng proof of vaccination bago ka makapasok sa Senado.

Ayon kay Bantug, inatasan siya ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na amendahan ang guidelines nitong Miyerkoles ng gabi matapos matuklasan na naging positibo sa COVID si Senador Alan Peter Cayetano sa pamamagitan ng anti-gen test.

Hindi dumalo si Cayetano sa sesyon nitong Miyerkoles, pero andoon siya sa plenary halls sa nakalipas na araw.

Samantala, inihayag naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi kailangan bumalik sa hybrid set-up ang Senado na kung pinapayagan ang mga mambabatas na dumalo sa pagdinig at sesyon online kahit may-sakit sila.

Iminungkahi niya na limitahan ang bilang ng bisita na makakapasok sa Senado.

“We just have to live with Covid. But Senate should limit the visitors to those who really have important matters to bring to the senators,” ayon kay Pimentel.

 

 

Kaugnay nito, ipinanawagan di ni Pimentel na buwagin kaagad ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ang policy-making body ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya.

“Let DOH (Department of Health) monitor Covid cases. That would actually lead to quicker reaction time as the DOH Team for Covid would be smaller and more manageable than an inter-agency task force,” aniya. Ernie Reyes