Senador sa BFP: ‘Firetrucks bago firearms’

Senador sa BFP: ‘Firetrucks bago firearms’

October 7, 2022 @ 3:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng dalawang Senador nitong Biyernes, Oktubre 7 ang Bureau of Fire Protection na tutukan at gawing prayoridad ang pagbili ng mga firetrucks kaysa armas o baril para sa mga bumbero.

Kasabay ng pagdinig ng Senate Finance Committee sa 2023 proposed budget ng Department of Interior and Local Government (DILG), humingi si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ng ulat sa procurement ng baril kaugnay ng implementasyon ng BFP Modernization Act.

Matatandaan noong 2021 ay pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang BFP Modernization Act na pinapayagan ang mga bumbero na magdala ng baril sa kanilang mga operasyon.

Sinabi naman ni BFP Chief Director Louie Puracan na sa ilalim ng batas, bibili sila ng 2,282 firearms sa mga tauhan nila mula sa 146 lungsod at 72 regional offices na pinakiusapan naman ng Department of Budget and Management na huwag nang badyetan ang mga ito dahil sa kakulangan sa pondo.

Hiniling naman si Puracan sa DBM na payagan silang gamitin ang P94-milyon ipon ng ahensya mula sa firetruck procurement para sa pagbili ng mga armas na nagkakahalaga ng nasa P45-milyon.

“May savings kasi kami ngayon around P94 million out of the savings from the procurement of firetrucks and we request for DBM to authorize us to use our savings for the procurement of these firearms,” ani Puracan.

“I’m saddened with the idea to use savings from firetrucks to buy firearms. So ang tanong ko na lang, if that is within your power and authority under your review system gawin niyo yan, pero 45 million pesos is good for how many firetrucks?” pagtatanong ni Pimentel.

Sinagot naman ito at sinabing nagkakahalaga ng P15-milyon ang bawat isang firetruck.

“Good for three (firetrucks). So, the policy question is: three more firetrucks or 2,000 plus firearms? So I think for the Bureau of Fire Protection, that should be a no-brainer because you know what you are supposed to do,” anang Senador.

Agad naman sinegundahan ni Senador Nancy Binay ang tanong ni Pimentel at sinabing dapat ay unahin muna ng BFP ang pagbili ng firetrucks at makipag-ugnayan na lamang sa PNP upang tugunan ang public order concerns kapag may sunog.

“I also support the call of the minority floor leader na baka mas maigi nga na pambili na lang to ng firetrucks kesa don sa baril kasi kung may magandang coordination naman ang PNP tsaka yung BFP, the PNP can provide the security for our fire personnel during pag may mga sunog tayo,” ani Binay.

Pinatututukan rin ng mga Senador sa BFP ang mga local government units na kulang sa firetrucks makaraan ilantad ni Senador JV Ejercito na walang istasyon ng bumbero sa 203 LGUs. RNT/JGC