Senate Minority, may sariling report sa sugar order fiasco: ‘4 execs ng SRA walang sala’

Senate Minority, may sariling report sa sugar order fiasco: ‘4 execs ng SRA walang sala’

September 13, 2022 @ 4:12 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Naglabas ng sariling committee report ang minority bloc sa Senado sa pamumuno ni Senate Minority Leader Koko Pimentel III at Sen. Risa Hontiveros hinggil sa Sugar Order no.4 na tinangkang pang-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal dahil kapos sa suplay.

Sa 17-pahinang minority committee report, sinabi ni Hontiveros na layunin nnila na bigyang linaw ang ilang katanungan na hindi nasagot sa ginanap na tatlong pagdinig at inirekomenda pang kasuhan ang apat na sangkot sa pag-aapruba ng resolusyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

“Kami po sa minority, kami ni Sen. Koko, ay gumawa ng hiwalay na report ukol dito sa krisis sa asukal dahil… sa madaling salita… hindi kami sang-ayon sa report na ipinasa ng majority,” ayon kay Hontiveros.

“We believe the Committee Report fell short of making sense of this fiasco. Nakakapagtakang may nagaganap pang bolahan, takipan, sisihan, bintangan, at laglagan,” dagdag ni Hontiveos.

Sa kanilang report, narito ang ilang katanungan na nakalagay sa kanilang committee report na isinumite sa Secretariat:

1. UNA: MAY SHORTAGE BA? Yes, MERON! Demand is greater than supply kahit saan mo tingnan.

“Habang humahaba ang usapan, napilitan nang magsuspinde ng ilang planta ang malalaking kompanya tulad ng Coca-Cola, to the point na yung mga manggagawa nila ay naka-forced leave without pay. At maging ang maliliit nating bakeries, turon, at palamig vendors, ay umaaray,” ani ng minority report.

“The sugar shortage actually has very dangerous and very real consequences for Filipino workers and Filipino consumers. It has to be addressed as soon as possible,” giit nila.

2- IKALAWA: DAPAT BANG KASUHAN SINA USEC SEBASTIAN ET AL? Sa tingin namin sa minority, HINDI. “Walang basehan at hindi makatarungan kung kakasuhan pa sila. Wag namang pagdiskitahan ang mga empleyado ng gobyerno na ginagawa lang naman ang trabaho nila.”

“If the president disagrees with a particular action, tulad nitong Sugar Order No. 4, the solution simply would be to void it. Not to penalize civil servants who acted in good faith. Hindi na dapat umabot sa ganyan,” paliwanag ng minorya.

3- AT IKATLO: ANO ANG PAPEL NI Executive Secretary Victor RODRIGUEZ SA LAHAT NG ITO? “Base sa isinagawang mga hearing, simpleng miscommunication ito. ES Rodriguez admitted he purposely did not answer an important text message, SEEN lang si USec. Sebastian, which sent this disruptive snowball rolling down a hill.”

“For us, the Committee Report failed, or purposely refrained, to discuss the part which Executive Secretary Rodriguez played in this unfortunate debacle,” ayon sa minorya.

Sinabi ng minorya na nabigo ang Committee Report ng Blue Ribbn na bigyang halaga ang good faith ng mga opisyal ng SRA sa pag-aapruba sa Sugar Order No. 4.

“The Committee Report, in the end, failed to answer the questions that will help address the sugar fiasco. And for that, we respectfully submit this minority report,” anila. Ernie Reyes