Senate panel hearing sa Cha-cha, tinapos na

Senate panel hearing sa Cha-cha, tinapos na

March 17, 2023 @ 9:36 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinapos na ni Senator Robin Padilla ang pagdinig ng kanyang panel para sa deliberasyon kaugnay ng Charter change (Cha-cha).

Si Padilla ay chairperson ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes, na nagsusulong na amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.

“Kung gusto natin ng pagbabago, mayroon pong paraan. Kailangan lang po nating mamulat. Kailangan po nating magkaisa para iisa ang ating tatahaking daan tungo sa pag-unlad ng ating Inang Bayan,” sinabi ni Padilla kasabay ng panel hearing sa Cebu.

“Bilang inyo pong ihinalal ng taong bayan, kami po ay obligado na gawin ito kahit na marami po ang kumukutya sa amin, marami po ang gustong pumigil sa amin. Kailangan naming gawin ito para sa inyo,” dagdag pa niya.

Kasabay nito ay muling iginiit ni Padilla ang pagsusulong niya na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon upang mas makahikayat ng marami pang foreign direct investments.

Inaasahang makikipag-usap sa mga miyembro ng Kamara ang senador sa Lunes, Marso 20.

Kabilang sa mga pag-uusapan nila ay ang paraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon, kung ito ba ay sa pamamagitan ng constituent assembly o constitutional convention. RNT/JGC