Senate probe sa ‘malawakang vote buying’ pinag-iisipan ni Pimentel

Senate probe sa ‘malawakang vote buying’ pinag-iisipan ni Pimentel

May 18, 2022 @ 10:07 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinag-iisipan ni Sen. Koko Pimentel na imbestigahan ng Senado ang kanyang mga alegasyon ng “massive” vote-buying, kabilang ang diumano’y “computerized-assisted fraud” noong Mayo 9 na botohan.

Sa interbyu sa CNN Philippines kay Pimentel ipinanawagan niya sa Commission on Elections (Comelec) na pabilisin ang kanilang imbestigasyon at i-secure ang mga taong handang tumestigo para patunayan ang vote-buying scheme.

Sinabi niya na kung mabibigo ang Comelec na tugunan ang mga naturang reklamo, hihilingin niya sa Senado ang aksyon sa usapin.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Comelec Commissioner Aimee Feroline na ang anti-vote-buying Task Force na ‘Kontra Bigay’ ay nakatanggap ng mahigit 1,000 mensahe sa pamamagitan ng Facebook at email, ngunit marami sa mga alegasyon ay hindi sinusuportahan ng ebidensya, dahil walang gustong tumestigo.

“We have organized the government in such a way that there is a specialized agency,” ani Pimentel. “Kung sabihin ng specialized agency, ‘ayaw namin,’ then we have to do it as the representatives of the people. Kasi it’s an ill of society if our elections are reduced to a bidding war.”

Sinabi ni Pimentel na kailangan niyang kunin ang mga teknikal na eksperto na maaaring magsuri sa posibilidad ng “computerized-assisted fraud,” sa pamamagitan ng pagtingin sa mga programa ng vote-counting machine, at kung ang ilang mga boto ay maaaring i-tweak at idirekta sa ibang kandidato.

Binanggit din ni Pimentel na nakatanggap siya ng mga ulat ng mga taong tumatanggap ng humigit-kumulang ₱1,540 kapalit ng kanilang mga boto.

Aniya, kailangang magkaroon ng paraan para “break through the secrecy” at malaman ang utak sa likod ng tila “perpektong” iskema.

“I think (vote-buying) has been perfected as a scientific way,” giit pa ng senador. “There is a sample ballot with an attached bill… and then some—those who want to make sure, even add some small print outs with their names.”

Inirerekomenda ni Pimentel na ang mga gustong tumestigo ay dapat matiyak na proteksyon sa pamamagitan ng pagtatago ng kanilang pagkakakilanlan.

Nauna nang tiniyak ni Ferolino na mabibigyan ng legal immunity ang mga nagbebenta ng kanilang boto sakaling tumestigo. RNT