Senate probe sa puslit na agri products, ikinatuwa ng grupo ng mga magsasaka

Senate probe sa puslit na agri products, ikinatuwa ng grupo ng mga magsasaka

December 13, 2021 @ 9:44 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Pinabubusisi ng sektor ng magsasaka sa senado ang mga akreditasyon ng mga importer, smugglers, at broker upang masawata ang patuloy na smuggling sa bansa partikular ang agri products na inaasahang magiging in demand ngayong holiday seasons.

Sa isang forum, sinabi ni Pork Producers Federation of the Philippines Chairman at Agriculture Sector of the Philippines (AGAP) Partylist President first nominee Nicanor Briones na marami nang batas hinggil sa agrikultura ngunit hindi naman ito naipapatupad.

Ang dapat aniyang nagpapatupad nito ay ang Bureau of Customs (BOC) at ang Department of Agriculture (DA) ngunit wala aniyang nangyayari dahil patuloy na nagpapabaya ang nasabing mga ahensya.

Natuwa at nagpapasalamat naman ang sektor ng magsasaka dahil nagpatawag ng pagdinig ang buong Senado na pinamumuan ni Senator Tito Sotto bukas, Disyembre 14 upang maimbestigahan ang smuggling sa lahat ng produktong agrikultura.

Pinuna ni Briones na nagkalat pa rin ang smuggled na agri products sa mga pamilihan sa kabila na walang import permits pero wala pa rin aniyang ginagawa ang DA at BOC dahil hanggang ngayon wala namang nahuhuli at nakakasuhan na smuggler.

Isa aniya sa batas na Hindi naipapatupad na gibaw anoong 2016 , ang Anti Agricultural Smuggling Act na nagsasaad na kapag nahuli na nag-i smuggle ng isang milyon halaga pataas ay may parusang pagkakakulong ng 17 hanggang 20 taon dahil isa aniya itong economic sabotage.

Bukod dito non bailable din aniya ang pagpupuslit ng agri products.

Dapat aniyang mabulgar kung sino ang mga nag-ismuggle dahil maari umanong ‘fictitious name’ ang ginagamit ng mga kompanya.

“Lalabas kapabayaan din nila dahil ina-accredit nila yung mga kompanya…hindi nila tinitignan kung totoong tao ang may ari ng rehistro sa SEC. So , sa accreditation pa lang mukhang may problema na tayo, dapat yan ang busisiin ng Senado bukas yung importers, smugglers, brokers kung yan ba ay mga totoong tao ang nasa likod ng kumpanya na nahulihan ng mga smuggling “, pahayag pa ni Briones. Jocelyn Tabangcura-Domenden