Senate resolution vs monkeypox inihain ni Bong Go

Senate resolution vs monkeypox inihain ni Bong Go

August 2, 2022 @ 3:00 PM 7 days ago


MANILA, Philippines – Sabay na naghain sina Senators Christopher “Bong” Go at Robinhood “Robin” Padilla ng Senate Resolution upang sugpuin ang monkeypox na idineklara ng World Health Organization (WHO) na isang public health emergency of international concern.

Itinulak ang resolusyon kasunod ng pagkakatuklas ng unang kaso ng monkeypox sa bansa noong Hulyo 29.

Binigyang-diin ni Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, at Padilla sa kanilang resolusyon ang kagyat na pangangailangang suriin ang kahandaan ng pamahalaan upang epektibong sugpuin ang pagkalat ng monkeypox lalo’t nasa harap pa rin ang bansa ng masamang epekto ng patuloy na pandemya ng COVID-19.

Binigyang-diin nina Go at Padilla na tungkulin ng Kongreso na bumalangkas ng mga polisiya at hakbang upang matugunan ang mga public health emergency.

“Sobra pong naging eye-opener para sa atin ang pagpasok ng COVID-19 sa bansa. Nakita po natin kung gaano kaimportante na palakasin ang ating healthcare system. Sobrang dami po ng kailangang ayusin. We hope that, guided by good science, we know better how to handle monkeypox this time,” pahayag ni Go.

“Palagi kong sinasabi na huwag tayong maging kumpyansa. Palagi tayo dapat one-step ahead sa kahit na anong krisis na posibleng dumating. Ngayon po na may naiulat na kaso ng monkeypox sa bansa, kailangan nating maghanda para hindi na kumalat ito tulad ng pagkalat ng COVID-19,” idinagdag niya.

Ang monkeypox ay isang viral zoonosis na may mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod at pantal, ayon sa WHO.

Samantala, sinabi ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na ang monkeypox ay maaaring kumalat sa sinuman sa pamamagitan ng close, personal at madalas na skin-to-skin contact, tulad ng direktang kontak sa monkeypox rash, scabs, o body fluids mula sa isang tao na may monkeypox.

Gayundin, ang virus ay maaari ding maipasa sa pamamagitan ng paghawak ng mga bagay, tela na ginamit ng isang taong may monkeypox at pakikipag-ugnayan sa mga respiratory secretions.

Noong Mayo 2022, nagsimulang matukoy ang maraming kaso ng monkeypox sa ilang hindi endemic na bansa.

Ayon sa WHO, ang bilang ng mga kumpirmadong impeksyon ay tumaas sa 77% mula sa huling bahagi ng Hunyo hanggang unang bahagi ng Hulyo 2022.

Pagkatapos ay idineklara ng WHO ang monkeypox outbreak bilang Public Health Emergency of International Concern (PHEIC) noong Hulyo 23.

“Bilang chair ng Senate committee on gealth, palagi po akong nakatutok sa pagpapalakas ng ating healthcare system. Kaya naman todo suporta din po ako sa mga adhikain ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. lalo na sa mga inisyatiba niya para sa ating health care,” ani Go.

“The more we should invest sa ating healthcare system — maging handa tayo at maging proactive tayo. ‘Wag nating hayaang magkandarapa na naman tayo,” anang senador.

Sinabi ni Go na importante na may sapat na kaalaman at kahandaan ang publiko ukol sa sakit na ito mula sa ating health authorities at experts.

Ito ang nais nating talakayin sa pagtatanong para magabayan ang policy makers sa ano ang kailangan, at para mabigyan ng tamang impormasyon ang mga Pilipino at paano maiiwasan ang sakit.

Nangako si Go na mahigpit siyang makikipag-ugnayan sa Department of Health at iba pang kaukulang ahensya para makabuo ng mga estratehiya at hakbang para palakasin ang kakayahan ng bansa laban sa mga darating na krisis sa kalusugan.