Manila, Philippines – Umaasa pa rin ang nakakulong na si Senator Leila de Lima na papayagan siyang magsagawa ng kanyang mga pagdinig sa detention center sa Camp Crame.
Kasunod ito ng pagtanggi ng Philippine National Police sa nauna nang request ni Senate President Vicente Sotto III na kanyang maisagawa ang kanyang tungkulin bilang senador.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, hindi sa kanila ang desisyon kung ‘di sa korte.
Sa inialabas na official statement ni De Lima, sinabi nito na naniniwala siyang magkakaroon din ng resolusyon ang usaping ito.
“I remain hopeful for a satisfactory outcome that will be good for the institution and integrity of the Senate,”ayon kay De Lima na nakakulong pa rin sa PNP Custodial Center sa Kampo Krame simula pa noong Pebrero, taong 2017.
“Nais ko po talagang makapagtrabaho bilang bagong Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, kung saan may mga nakasalang na mga makahulugang panukalang batas,” dagdag pa ng senadora.
Sinabi pa ni De Lima na maaaring may nag-abiso kay Albayalde, ” he may have the wrong legal advice based on a misreading of case law, and I am sad about it.”
Nilinaw nito na hindi naman niya kailangang lumabas sa kanyang selda pero kung pwede ay makapagsagawa siya ng mga committee hearing sa pasilidad. (Remate News Team)