Senglot na mister kinatay ng naghatid sa kanya pauwi

Senglot na mister kinatay ng naghatid sa kanya pauwi

November 5, 2022 @ 1:00 PM 4 weeks ago


ABULUG, CAGAYAN-Parang baboy na ginilitan sa leeg at pinagsasaksak ng pitong beses ang isang mister ng kapwa-magsasaka na naghatid sa kanya pauwi dahil sa kalasingan dito sa nasabing bayan.

Patay na nang abutan ng pulisya ang biktimang si Martin Mappala, may-asawa at residente ng Brgy. Sto Tomas habang boluntaryo namang sumuko ang suspek at kinasuhan na ng kasong murder na si Edgar Ignacio, nasa tamang edad at residente ng Brgy Dana-ili.

Dakong alas-8:30 ng gabi ay nagboluntaryo ang suspek na ihatid sa kanyang tahanan ang biktima na noon ay kapwa lasing na matapos makipag-inuman sa isang birthday party sa Brgy Dana-ili.

Gamit ang kolong-kolong ng biktima ay minaneho ito ng suspek subalit pagdating sa bahagi ng boundary ng Brgy Dana-ili at Sto Tomas ay nakulitan umano ang suspek matapos agawin ng biktima ang manibela na dahilan upang bumulusok sa maisan ang kolong-kolong.

Dahil dito ay pinagsasaksak ng suspek ang biktima sa kanyang dibdib at kilikili, at dalawang beses pang ginilitan sa leeg gamit ang kitchen knife na may habang 9 pulgada.

Samantala, boluntaryo namang sumuko ang suspek bitbit ang ginamit na kutsilyo sa isang kagawad ng Brgy Dana-ili at itinuro sa pulisya kung saan nito iniwan ang bangkay at kolong-kolong ng biktima. Rey Velasco