Senglot pinagsasaksak ng 2 kawalwalan

Senglot pinagsasaksak ng 2 kawalwalan

January 17, 2023 @ 4:04 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- “Sige saksakin mo yan, gago yan.”

Ito umano ang isinigaw ng suspek na si Rodelio Del Rosario, 64, sa kanyang kasabwat na si alyas Bay Basaya kapwa residente ng Brgy. Tampok nang saksakin ang kainumang si Enrique Dela Cruz ng Brgy. Sta. Monica, Hagonoy.

Sa report ng Hagonoy police, nangyari ang insidente bandang alas-10 ng gabi nitong Enero 15, sa Brgy. Sta. Monica.

Lumalabas sa imbestigasyon na nag-iinuman ang biktima at mga suspek nang biglang magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Sumatutal, hindi naging maganda ang pagtatapos ng inuman kaya umalis sa lugar ang mga suspek na noon ay may masama na palang balak.

Lingid sa kaalaman ng biktima ay inaabangan siya ng mga suspek at nang lumabas ito para bumili sa kalapit na tindahan ay nagtagpo ang kanilang landas.

Pabulyaw na inutusan ni Rodelio si Bay na saksakin ang pigil-pigil niyang biktima kaya inundayan ito ng dalawang beses sa bandang dibdib.

Dahil dito, agad na tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo habang isinugod naman ng anak na saksi sa nangyari ang kanyang amang sugatan sa Emilio Perez Hospital para sa paunang lunas.

Nang makarating sa mga awtoridad ang insidente ay agad tinugis ang mga suspek hanggang sa maaresto si Rodelio habang nakatakas naman si alyas Bay.

Nahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Homicide habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III