SENIOR CITIZENS ID PARA SA PUBLIC TRANSPORTATION

SENIOR CITIZENS ID PARA SA PUBLIC TRANSPORTATION

January 27, 2022 @ 4:41 AM 8 months ago


UMIIRAL pa rin ang 20 percent discount sa public transport kahit na may 70 percent maximum limit sa passenger capacity. May ilang senior citizen na pasahero na taga-QC ang nagtatanong kung kikilalanin ng mga driver at konduktor ang bagong labas na QC card.  Bakit hindi? Nakalagay naman doon ang petsa ng kapanganakan para madaling ma-verify ang edad ng pasahero.

Kung walang OSCA ID ay pwede ang government issued ID tulad ng drivers’ license o voters ID.  At dito nagkakalituhan dahil tinatanong kung ang QC Card ay official ID na maaaring magamit hindi lang sa transport pero sa mga establisimyento para mabigyan ng discount.

Nagiging problema rin umano kung ito ang ipinakikita sa labas ng Quezon City. Sabi nga ng ilang senior citizens mas mainam ang OSCA ID dahil ito ang nasa batas at ino-honor kahit saan na no-questions ask!

Ito ang nais na gawin simple na lang ng RA 11055 o Philippines Identification Systems Act dahil sa hindi na kakailanganin ang ano mang ID dahil ang petsa ng kapanganakan ay nandoon na. Ang ibang LGU na nagbibigay ng additional benefits sa kanilang senior citizens ay nagre-require na ‘yun LGU issued ID ang gamitin para sa additional benefits.

Sa kabila nito, ang pobreng senior citizen ang naiipit.

Sa Lawyers for Commuters Safety and Protection, ang mungkahi namin ay basta mapatunayan ng anomang identification card na senior citizen ang bearer ay sapat na para ibigay ang diskwento na saad ng batas.

Naalala ko noong nasa LTFRB ako, may nagsumbong na isang pasahero laban sa isang bus company na hindi siya binigyan ng discount dahil hindi niya dala ang ID niya – pero sa itsura ng nasabing pasahero ay sigurado naman na senior citizen na ito.

Ang sabi ko noon – ang ID ay isang dokumento na nagpapatunay na senior na ang pasahero, pero kung sa itsura pa lamang ay walang kaduda-duda na senior na siya dapat ibigay ang diskwento sa kanya.

Dapat ay hingin lamang ang ID kung may sapat na duda ka sa edad niya.

===========

Atty. Ariel Inton

President, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)

09178174748